DEKADA ‘80 nang marinig ko sa unang pagkakataon ang salitang “Bahay-Pugo” matapos kong sumama sa operasyon ng isang grupo ng mga ahente ng Criminal Investigation Service (CIS) na naka-stakeout sa isang liblib na lugar sa Canlubang, Laguna upang hulihin, buhay man o patay, ang isang notorious “hired killer” na tumbahin na raw. Sa tiyaga at galing ng grupo, bago matapos ang buong araw na iyon, arestado na agad ang suspek na narinig kong dadalhin muna sa “Bahay-Pugo” habang tinatrabaho pa ang ka-grupo nito.
Bilang isang nabatos na reporter ng isang tabloid, malaking break na noon para sa akin na makasama sa operasyon ng grupong nakabase sa Camp Crame, kaya sunud-sunuran ako sa mga patakaran ng team leader ng grupo sa pagko-cover ko ng kanilang trabaho. Ang CIS ay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ngayon at halos lahat ng mga nasamahan kong magagaling na opisyal noon ay mga retirado na ngayon.
Kaya nang mabasa ko ang mga balita hinggil sa natuklasang “secret cell” sa loob mismo ng Manila Police Department (MPD) Station-1, na kinapapalooban ng 12 bilanggo, sa sorpresang pagbisita ng mga opisyal ng Commission on Human Rights (CHR) – bigla kong naisip ang salitang “bahay-pugo” at patanong na naibulong sa sarili, “bakit sa loob mismo ng istasyon ng pulis?”
Sa hitsura, sa pagkakagawa, at sa paraan ng pagkulong sa 12 katao, pati na ang kawalang entry ng mga naaresto sa police blotter, ay walang duda na ang secret cell na ito ay kagaya mismo ng sinasabi kong bahay-pugo na pansamantalang pinagtataguan ng “tumbahing” mga kriminal na naaresto. Ang lahat ng narinig ko noong nadala rito ay nawawala na lang na parang mga bula. Hindi ko nga alam kung sino ang mga ito, walang detalye, basta ang tawag sa kanila ay “pugo” mga salot daw sa lipunang dapat nang ibiyahe…kung saan man, ay di ko alam at ayaw kong sumama!
Ang bahay-pugo noon ay hindi permanente na gaya ng natuklasan sa MPD-Station 1. Kalimitan ay palipat-lipat ito ng lugar lalo pa’t maraming “pugo” na ipapasok rito. Ngunit ‘pag paisa-isa lang, mas madalas na ginagawang bahay-pugo sa loob lamang ng maghapon ang “back compartment” ng kotse o kaya naman ay ang loob ng heavy tinted na van. Paborito raw ito noong dekada ‘90 ng namamayagpag na Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).
Kaya nga nang marinig ko si Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, Philippine National Police (PNP)...chief, na parang kinakatigan pa ang kanyang mga pulis sa MPD-Station 1, ay natawa na lang ako – imposible kasing hindi niya ito abot, ang tagal kaya niyang naging opisyal ng PAOCTF, na bihasang dumakma ng mga “pugo” at magaling din sa timing kaya nagagamit pa ang pagbiyahe ng mga “pugo” sa kanilang mga propaganda.
Sa pinakahuling balita ay sinibak na raw ni National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde sa puwesto si Supt. Roberto Domingo, MPD Sta-1 commander, at ang buo nitong Station Drug Enforcement Group, na may kinalaman sa “bahay-pugo” sa loob ng presinto. Matalinong galaw at sana ay masundan agad ng mga akmang demanda laban sa mga pulis na ito…huwag naman sanang maging kuwento lang ito sa pagong!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)