NGAYON ang pormal na pagbubukas ng pulong ng mga lider ng 10 bansang bumubuo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

Maliban sa Burma, ang mga pangulo ng mga kaanib na bansa ang dumalo sa nasabing summit meeting. Ipinadala ng Burma si Nobel Peace winner at democracy Icon Aung San Suu Kyi bilang pinuno ng kanyang delegasyon. Magiting na ipinaglaban ang karapatang tao sa kanilang bansa sa mahabang panahon na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong.

Ang Pilipinas at si Pangulong Rodrigo Duterte na wala pang isang taon sa kanyang termino ang host ng ika-50 summit meeting ng ASEAN. Napakagandang pagkakataon ito upang epektibong ipursige ng ating bansa ang kanyang liderato sa pamamagitan ng pagbubukas ng talakayan ukol sa naging kapasiyahan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ayon kay dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.

Ang kapasiyahan na naggawad ng kapangyarihan sa ating bansa sa West Philippine Sea ay napagwagian nito pagkatapos idulog ang isyu sa UNCLOS laban sa China. Dito, aniya, mapipigil ang China sa paggamit ng framework ng Code of Conduct para mapangalagaan nito ang ilegal na pagsakop sa bahagi ng West Philippine Sea.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ayon naman sa kampo ni Pangulong Digong, sa pagiging host ng summit meeting, dito titingkad ang kanyang liderato sa mga kasaping bansa. Siya lang, sa mga pinuno ng mga ito, ang tumindig at matapang na ipanaglaban ang kalayaan ng Pilipinas laban sa panghihimasok ng mga banyaga.

Sa inilunsad niyang kampanya laban sa droga at sa hindi mga magandang salita, matapang niyang binatikos ang pakikialam ni dating U.S. President Barack Obama, ang mga pinuno ng United Nations at European Union. Ang nais lamang naman ng mga ito ay maghihinay siya sa pagpapairal ng kanyang programa at igalang ang karapatang pantao at due process. Hindi kasi naging katanggap-tanggap sa kanila, na sa pagtataguyod ni Pangulong Digong ng kanyang layuning sugpuin ang ilegal na droga, libu-libo na ang namamatay na isinantabi na ang legal na proseso.

Iyon daw ginagawa ni Pangulong Digong, ayon sa kanyang mga kaalyado, ay nais ding gawin ng mga lider ng bansang kaanib ng ASEAN, pero ayaw naman nilang gawin. Namamali sila. Sa mga nakaraang... summit meeting ng ASEAN, nang si Mahatir ay siyang Prime Minister ng Malaysia, magalang niyang tinutulan ang free trade na ipinupursigeng pairalin ng mga bansang nasa kanluran sa mga kasapi ng ASEAN. “Hindi ninyo kami maaasahang buksan ang aming ekonomiya para sa lahat ng banyagang produkto,” wika niya. Gagawin lang daw niya iyon sa mga bahagi ng kanilang ekonomiyang malakas nang makipagkompetensiya ang lokal nilang negosyo sa negosyo ng mga dayuhan. Ayaw niya kasing bumagsak ang kanilang ekonomiya na magdudulot ng kahirapan na siyang nagaganap sa atin sa pagpapairal natin ng free trade agreement.

Walang puwedeg ipalit sa hinahon at katwiran sa pagbibigay ng posisyon sa mga isyu. Maging ang kapusukan tapang at masakit na pananalita na walang laman ay puwedeng ipalit dito. (Ric Valmonte)