LUMALABAS sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na kumakaunti na ang mga Pilipino na nasisiyahan o naniniwala sa giyera laban sa illegal drugs ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Sila mismo ay nangangamba na baka maging biktima ng extrajudicial killings (EJKs) o kaya’y ang kanilang mga kamag-anak sa kampanya ng administrasyon na lipulin ang illegal drugs at itumba ang pinaghihinalaang drug pushers at users.

Gayunman, nananatiling popular at mataas ang approval ratings ni PRRD sa pagtatamo ng 78% bagamat bumaba ito mula sa 83% na natamo niya noong Disyembre 2016. Sa SWS survey noong Marso 25-28, lumilitaw na bumagsak ang net satisfaction ratings ng war on drugs sa +66%, sa unang tatlong buwan ng 2017. Ito ay bumagsak ng 11% sa pagkakaroon ng +77% noong Disyembre 2016.

Inuulit natin, walang kumokontra sa layunin ni Mano Digong na linisin ang bansa sa salot ng illegal drugs. Lahat ay pabor sa pagpuksa sa mga tulak at adik na pumapatay ng mga magulang at bata, gumagahasa sa kababaihan, namumugot ng ulo at iba pang kahayupan. Subalit, ang dapat sanang pagtuunan ng galit ni PDu30 at ni Gen. Bato ay iyong mga drug lord at shabu supplier na bultu-bultong shabu, cocoaine, heroin ang dinadala sa ‘Pinas. Kung walang shabu supplies, walang tulak at adik.

Dapat ding pagsikapan ni Gen. Bato ang pagwasak sa mga dambuhalang shabu laboratory na matatagpuan sa exclusive villages sa Metro Manila, sa ilang isolated places sa mga probinsiya tulad ng Pampanga, Cavite atbp. Kung maaari, hindi lang dapat dakpin ang mga may-ari ng laboratoryo kundi barilin din sila tulad ng ginagawa ng mga elemento ng Oplan Tokhang sa ordinaryong pushers at users.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Mukhang ang “nag-aaway” ngayon sa gabinete ni Mano Digong ay sina Agriculture Sec. Manny Piñol, dating journalist at sports wirter ng Manila Buletin/Tempo, at Presidential Spokesman Ernesto Abella. Binanatan ni Piñol ang Communications Team ng Malacañang na pinamumunuan nina Martin Andanar at Abella na lagi umanong nahuhuli at “natutulog sa pansitan” sa pag-iisyu ng mga ulat hinggil sa magagandang nagagawa ng Duterte administration.

Partikular na tinukoy ni Sec. Piñol ang tila pagiging reaksiyonaryo ng Malacañang Press Office o communications team na parating naglalabas ng mga denial o corrections sa mga pahayag ng Pangulo sa halip na ibigay sa mga media ang tunay na bersiyon ng istorya. Nagpantig ang taynga ni Piñol tungkol sa mga sapantaha na minaniobra lang ng Malacañang ang resulta ng Time Magazine online poll na nagsasabing si Pres. Rody ang Number One.

Isang kaibigang journalist ang nag-email sa akin at pabirong ipinanukala ang paglikha ng Dept. of Denials and Corrections (DDC) sa Duterte administration para ito ang humawak sa mga pagtanggi at paglilinaw sa ilang kontrobersiyal na pahayag ng Pangulo. Tugon ko naman, talagang malilito ang mga miyembro ng kanyang gabinete sa pagtanggi at pagpapaliwanag dahil sa nakalilitong pahayag ng Presidente.

Sinagot ni Abella na hindi naman personal ang mga puna ni Sec. Piñol sa pagiging mabagal at laging huli ng Malacañang Press Office sa pagpapalabas ng mga balita tungkol sa mga kanais-nais na performance ng administrasyon. Sabi ni Abella: “When it comes to media releases, it’s not a question of speed, it’s a question of accuracy.” Parang sinabihan niya si Piñol na ang “lumalakad nang matulin, kung matinik ay malalim.” Naniniwala siyang hindi naman “pakikialam” sa kanyang tanggapan ang mga puna ni “Small but Terrible” Manny Piñol.

Ang isinusulong na “Dutertenomics” ng administrasyon ni Pres. Duterte ay itinuturing na “Golden Age of Infrastucture.” Sa isang forum, sinabi ni NEDA Sec. Ernesto Pernia na plano ng administrasyon na magpalabas ng P3.6 trilyon para gamitin sa public infrastructure projects sa 2018-2020. Sinabi naman ni Dept. of Transportation Sec. Arthur Tugade na nakatakdang lagdaan nina Japanese Prime Minister Shinzo Abe at PRRD sa Nobyembre ang kasunduan sa konstruksiyon ng unang subway system sa bansa, ang Mega Manila Subway System. (Bert de Guzman)