Memphis at Toronto, nakatabla; Warriors, 3-0.

MEMPHIS, Tennessee (AP) — Naisalpak ni Marc Gasol ang 12-foot floater sa huling 0.7 segundo ng overtime para maitakas ang Grizzlies sa manipis na 110-108 panalo kontra sa San Antonio Spurs sa Game 4 ng kanilang Western Conference first round playoff nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Nabitiwan ng Grizzlies ang 10 puntos na bentahe may 7:38 sa regulation, tampok ang 23 turnover na naisalin ng Spurs sa puntos, ngunit kinasiyahan ng suwerte sa krusyal na sandali para maitabla ang serye sa 2-2.

Naitala ni Mike Conley ang franchise postseason record na 35 puntos, habang kumubra si Gasol ng 16 puntos at 12 rebound.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nalusutan din ng Grizzlies ang isa pang postseason personal best ni Kawhi Leonard na tumipa ng 43 puntos. Naitabla ni Leonard ang iskor sa 108 mula sa three-pointer may 17 segundo ang nalalabi sa regulation.

Gaganapin ang Game 5 sa Martes (Miyerkules sa Manila) sa San Antonio, kung saan nakuha ng Spurs ang 2-0 bentahe.

WARRIORS 119, TRAIL BLAZERS 113

Sa Portland, Oregon, wala si Kevin Durant, ngunit sapat ang enerhiya ng ‘Splash Brothers’ nina Stephen Curry at Klay Thompson para buwagin ang Trailblazers para sa 3-0 bentahe ng kanilang West playoff series.

Nagsalansan si Curry ng 34 puntos, habang kumana si Klay Thompson ng 24 puntos.

Inaasahang wawalisin ng Warriors ang serye sa pagpalo ng Game 4 sa Lunes (Martes sa Manila).

Naglagablab ang Blazers sa 17 puntos na bentahe, subalit hindi nila natagalan ang lupit ng Warriors sa kabila ng pagbubunyi ng home crowd sa Moda Center.

Hindi pinaglaro si Durant sa ikalawang sunod na laro bunsod ng injury sa kaliwang pige. Wala rin sa bench si coach Steve Kerr na dinapuan ng lagnat.

Nanguna si CJ McCollum at Damian Lillard sa Blazers sa naiskor na 32 at 31, ayon sa pagkakasunod.

HAWKS 116, WIZARDS 98

Sa Atlanta, kumamada si Paul Millsap ng 29 puntos, habang humirit si Dennis Schroder ng 27 puntos para sandigan ang Hawks sa krusyal na panalo sa serye.

Tangan pa rin ng Wizards ang bentahe sa 2-1.

Host muli ang Atlanta sa Game 4 sa Lunes (Martes sa Manila).

RAPTORS 87, BUCKS 76

Sa Milwaukee, ginapi ng Toronto Raptors, sa pangunguna ni DeMar DeRozan, ang Bucks para maitabla ang sariling serye sa 2-2.

Bumuhat si Kyle Lowry ng 18 puntos.