Kahit kapwa menor de edad, dinakip ng mga awtoridad ang magkapatid na lalaki matapos umanong pagtulungang patayin at pagputol-putulin ang kanilang kaibigan sa San Mateo, Rizal, iniulat kahapon.

Hindi na pinangalanan ang mga suspek, nasa edad 16 at 17, ng Paraiso Street, Barangay Ampid, San Mateo, na itinuturong mga suspek sa pagpatay kay Lyndon Masinsin, 18.

Sa ulat ni SPO1 Gomercindo Digma, ng San Mateo Police, posibleng mismong sa tahanan ng mga suspek isinagawa ang pagpatay noong Abril 1, dakong 7:00 ng gabi, kung kailan nagsimulang mag-alala ang pamilya ng biktima.

Sinubukan pang hanapin si Masinsin ng kanyang pamilya ngunit nang hindi matagpuan ay nagdesisyong i-report sa pulisya noong Abril 3.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Makalipas ang ilang araw, Abril 5, nakatanggap umano ng ulat ang pulisya hinggil sa posibleng pagpatay sa biktima at nag-apply ng search warrant sa hukuman, na naihain nito lamang Martes, Abril 11.

Nadiskubreng tinadtad ang katawan ng biktima, maliban sa kanyang braso at binti, at isinilid sa drum bago ibinaon sa hukay.s

Nadiskubre rin ng mga awtoridad ang mga kagamitang ginamit ng mga suspek sa pagpatay sa biktima, partikular na ang wood saw, kutsilyo, dalawang gunting, hack saw, metal saw, martilyo at itak.

Napag-alaman na matagal nang galit ang mga suspek kay Masinsin dahil ninanakawan umano sila nito ng pera at mga gadget. (MARY ANN SANTIAGO)