NAGLABAS ng ‘cease and desist order’ ang Games and Amusements Board (GAB) kamakailan laban sa lahat ng Off-track betting (OTB) station at Off-cockpit betting (OCB) station na walang business permit mula sa pamahalaang lokal at municipal.
Ipinaalala ng GAB na kailangang mag-renew ng permit ang mga OTBs at OCB taon-taon. Ngunit, batay sa Resolution No. 05-87, s. 2005, ang city/municipal permit o local business permit ay mandatory requirement para sa issuance of GAB permit.
Sa kabila nito, sinabi ng GAB na marami pa ring OTBs/OCBs ang nag-ooperate na walang local business permit at GAB permit. Ito ang dahilan sa pagpapalabas ng ‘cease and desist order’ ng GAB na epektibong ipatutupad simula Abril 3, 2017.
Ayon sa GAB, isa itong pamamaraan para mapigilan ang operasyon ng mga ilegal na OTB/OCB.
Sinabi ng GAB na sa kasalukuyan, umabot sa 55 OTBs at OCBs ang hindi sumusunod sa itinakda ng batas hingil sa pagkuha ng permit. Anila, binigyan na nila ito ng babala, gayundin ng kopya ng ‘cease and desist order’ at kasalukuyang binabantayan ng GAB.
Sa ilalim ng batas, may tungkuling ang GAB na labanan at buwagin ang mga ilegal na bookies na siyang ginagamit para sa ilegal na sugal. Nauna nang ipinagutos ng Pangulong Duterte ang pagsugpo sa ilegal na sugalan sa bansa.