Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang kahilingan ni US Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na baligtarin ang hatol sa kanya ng korte na guilty sa kasong homicide sa pagkakapatay sa transgender na si Jeffrey ‘Jennifer’ Laude.
Iginiit ni Pemberton na hindi kapani-paniwala o “more imaginary than real” ang pagkakasangkot niya sa pagpaslang kay Laude, at isinantabi rin umano ng korte ang ebidensiya na posibleng may ibang tao na sangkot sa pagpatay kay Laude.
Sinabi ni Pemberton na nagkamali ang Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 sa hatol sa kanya sa kabila ng testimonya ng forensic expert na si Dr. Raquel Fortun na hindi namatay si Laude sa panlulunod.
Ikinatwiran naman ng CA ang desisyon ng mababang korte na katigan ang findings ni Dr. Reynaldo Dave na nagsabing namatay si Laude dahil sa asphyxia sa pamamagitan ng paglulunod, kaysa testimonya ni Fortun.
Iginiit din ni Pemberton na minolestiya siya ni Laude kaya ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili, pero ayon sa CA, batay sa general physical examination sa sundalo, walang nakitang senyales na nagtamo ito ng injury sa ulo at mukha.
Pinatawan si Pemberton ng hanggang 10 taong pagkakakulong, pinagbabayad ng P4.3 milyon para sa loss of earning capacity, P30,000 sa exemplary damages, at P50,000 sa kada civil indemnity at moral damages. (Beth Camia)