Ika-42 triple double kay Westbrook; Hawks nakaulit sa Cavs.
DENVER (AP) — Winasak ni Russell Westbrook ang 56-taon na NBA record ni basketball legend Oscar Robertson sa ika-42 triple-double sa isang season bago sinaktan ang damdamin ng Denver Nuggets sa buzzer-beating three-pointer para sa 106-105 panalo nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Bunsod ng kabiguan, tuluyang napatalsik ang Nuggets sa playoff.
Naitala ni Westbrook ang 50 puntos, 16 rebound at 10 assist para lagpasan ang marka ni Robertson na 41 triple-double na nagawa niya noong 1961-62 season.
Nakumpleto ni Westbrook ang kasaysayan may 4:17 ang nalalabi sa laro sa kanyang ika-10 assist. Hataw si Westbrook sa naiskor na huling 15 puntos ng Thunder, tampok ang buzzer-beating three-pointer may 2.9 segundo ang nalalabi,
Matapos humingi ng time out, ipinasa ni Kyle Single ang bola sa inbound kay Steven Adams na mabilis na ibinigay ang bola kay Westbrook para sa game-winning shot.
HAWKS 126, CAVALIERS 125 (OT)
Sa Atlanta, bumalikwas ang Hawks mula sa 26 puntos na paghahabol para gapiin ang Cleveland Cavaliers sa overtime.
Hataw si Paul Millsap sa nakubrang 22 puntos, kabilang ang buzzer-beating jumper sa regulation para maipuwersa ang overtime at makumpleto ang come-from-behind win.
Nabalewala ang 45 puntos ni Kyrie Irving, gayundin ang triple doube -- 32 puntos, 16 rebound at 10 assist – ni LeBron James na napatalsik sa laro sa extra period.
Kumana si Tim Hardaway Jr. ng 21 puntos para sandigan ang Atlanta sa ikalawang sunod na panalo sa loob ng tatlong araw laban sa Cleveland,tumabla muli sa Boston Celtics para sa No.1 spot sa Eastern playoff.
Kapwa may nalalabing tig-dalawang laro sa regular-season ang Cavs at Celtics. Sakaling tabla ang dalawa sa pagtatapos ng regular-season, makukuha ng Cavs ang top seeding bunsod ng win-over-the other rule.
ROCKETS 135, KINGS 128
Sa Sacramento, California, pinaluhod ng Houston Rockets, sa pangunguna ni James Harden na may 35 puntos, 15 assist at 11 rebound, ang Kings.
Nag-ambag si Ryan Anderson ng 21 puntos, tampok ang anim na three-pointer, habang kumana ng tig-18 puntos sina Clint Capela at Lou Williams.
Nanguna si Skal Labissiere sa Kings sa natipang 25 puntos.
LAKERS 110, TIMBERWOLVES 109
Sa Los Angeles, naisalpak ni D'Angelo Russell ang three-pointer sa buzzer para sandigan ang Lakers kontra Minnesota Timberwolves.
Nag-ambag si Tyler Ennis sa naiskor na career-high 20 puntos para sa ikaapat na sunod na panalo ng Lakers.
Hataw si Karl Anthony Towns sa Wolves sa nakubrang 40 puntos at 21 rebound.
RAPTORS 110, KNICKS 97
Sa New York, pinatatag ng Toronto Raptors ang kapit sa No.3 spot sa East playoff nang pabagsakin ang Knicks.
Nanguna si DeMar DeRozan sa naiskor na 35 puntos para gabayan ang Raptors sa ika-50 panalo sa magkasunod na season.
Posibleng maagaw ng Toronto ang No.2 spot kung magwawagi laban sa Cleveland sa huling laro sa regular-season at matatalo ang Boston sa nalalabing dalawang laro.
Nagsalansan si Kyle Lowry ng 17 puntos at 11 assist sa Toronto.
PISTONS 103, GRIZZLIES 90
Sa Memphis, kumana ng tig-14 puntos sina Reggie Bullock at Boban Marjanovic sa panalo ng Detroit kontra Memphis.
Naisalpak ng Pistons, naghabol ng 12 puntos sa kaagahan ng third quarter, ang 6 of 7 sa three-point range sa final period.
Nanguna si Mike Conley sa No.7 seed Memphis na may 15 puntos.
SUNS 124, MAVERICKS 111
Sa Phoenix, sa huling laro ng Suns sa harap ng home crowd, impresibo ang opensa nina Devin Booker at T.J. Warren na kapawa umiskor ng 21 puntos sa panalo kontra Dallas Mavericks.
Sa kabuuang naiskor, nalagpasan ni Booker si Kobe Bryant sa ikaapat na puwesto sa career points bago magdiwang ng ika-21 kaarawan. Tangan ni Booker ang kabuuang 2,774 career point sa likuran nina Carmelo Anthony, Kevin Durant at leader LeBron James.