PH athletes, nakipagsabayan sa SEA Youth tilt.
ILAGAN CITY – Wala pang gintong medalya, ngunit sapat na ang ipinamalas na kagitingan ng hometown bet para kumislap sa kasiyahan ang kampanya ng Team Philippines sa pagsisimula ng 12th Southeast Asian Youth Athletics Championship kahapon sa Ilagan City Sports Complex dito.
Pinangunahan ni Wally Gacusan ang pagbibigay ng kasiyahan sa sambayanan sa napagwagihang silver medal sa boys’ high jump, sapat para mabuksan ang pintuan sa kanyang posibleng pagsalang sa koponan na isasabak sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur sa Agosto.
Naitala ng 17-anyos mula sa Isabela National High School ang layong 1.81 metro, habang pangatlo ang kababayan niyang si Janmell Francis Gervacio (1.70 metro) sa likod ng kampeon na si Vo Ngoc Long Cao ng Vietnam na nagtala ng meet record na 2.0 metro.
“Masayang-masaya po, Yung mga kababayan ko at mga kaanak ko masayang-masaya rin sila. Atleast po, nagbunga yung training ko,” sambit ni Gacusan.
“Malalakas ang mga kalaban naming. Ito ang unang laban ko sa international meet, suwerte po tayo ang host nakadagdag ng lakas ng loob yung cheers ng crowd,” aniya.
Kaagad na nagbigay ng ayuda si Ilagan City Mayor Evelyn Diaz kay Gacusan, anak ng magsasaka mula sa Sta. Isabel Norte.
“Ready tayo dyan. Malaking karangalan ang ibinigay niya sa aming bayan at sa bansa sa kabuuan, kaya deserving siya sa incentives,” sambit ni Mayor Diaz.
Sa kasalukuyan, nasa ikaapat na puwesto ang Team Philippines tangan ang tatlong silver at anim na bronze medal.
Agaw-atensiyon din sa torneo na itinataguyod ng City of Ilagan, sa pakikipagtulungan ng Ayala Corporation, Milo, Philippine Sports Commission, International Amateur Athletics Federation, Foton Pilipinas, UCPB Gen at Run Rio, si Eduard Josh Buenavista, anak ni marathon king Eduardo Buenavista.
Humugot ng bronze medal ang 15-anyos na si Buenavista sa boys 3,000-meter run sa tyempong 25.85 segundo.
“Medyo nawala sa kondisyon. Mas maganda pa yung time ko sa ensayo,” sambit ng high school student mula sa Baguio National Science High School at silver medalist sa 6th Children of Asia sa nakalipas na taon sa Yakutst, Russia.
“I fell on the stairs three days ago so I can feel the pain on my right thigh. Pero hindi ko na lang po pinansin. Ang mahalaga ay makatakbo ako ng maayos,” aniya.
Tulad ng inaasahan, simple, ngunit makulay ang inihandang programa ng pamahalaang panglungsod ng Ilagan sa opening ceremony na nilahukan din ng mga sikat na celebrity at mataas na opisyal sa pamahalaan at sports.
Pinangunahan ni John Carlo Yuzon, pambato rin ng Ilagan City, ang pagsindi ng tradisyunal ‘championship flame’.
“Patafa welcomes all our young men and women from Southeast Asia,” pahayag ni Patafa president at dating PSC chairman Philip Ella ‘Popoy’ Juico.
“Your presence in this beautiful city of Ilagan in this great province of Isabela reaffirms the truism that sports transcends all boundaries. I urge all the youth athletes to exemplify sports’ pristine values of integrity, selflessness, discipline and all other values that make our nations great,” aniya.
Kumilos din ang foreign entry, kabilang si Hendrik Marlyonda ng Indonesia na nagwagi sa 3,000m sa bagong record at itala ang kanyang pangalan bilang unang gold medalist sa torneo.
Tinanghal din si Jeany Nuraini Amelia Agreta ng Indonesia pinakamabilis na babaeng mananakbo at si Kittipoom Khotarsa ng Thailand pinaka matulin na lalaki.
Tinalo ni Marlyonda, 17, anak ng magsasaka sa West Sumatra nakabase sa Jakarta ang mga kalaban sa patagalan nang resistinsiya sa oras 9:07.36 seconds sa Isabela Sports Complex at binura ang lumang record 9:27.78 tinala ni Yuan Chow Lui ng Singapore ginawa noong Pathumthani, Thailand nakaraan taon.
Nagtala rin bagong record si silver medalist Syed HJussein Aljuneid ng Singapore (9:10.98), bronze medalist si Josh Edward Bueanvista (9:25.85) at fourth placer Nathaniel Morales (9:26.82) sa 3000m boys.