Ni ANTONIO L. COLINA IV
Sinabi ng Communist Party of the Philippines (CPP) na susuportahan nito ang pagbuo ng bilateral ceasefire agreement ng gobyerno (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at nangangakong magdedeklara ng unilateral ceasefire nang hindi lalagpas sa Marso 31 at bago ang pagsisimula ng ikaapat na serye ng mga usapang pangkapayapaan sa Abril 2 hanggang 6, sa The Netherlands.
Inihayag ito ng CPP matapos pakawalan ng New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng mga komunista, nitong Biyernes sa Mati City, Davao Oriental, ang dalawang paramilitary men na sina Rene Doller at Carl Mark Nucos, na nahuli sa bayan ng Lupon noong Pebrero 14.
Idinagdag ng CPP na nakatakda rin nilang pakawalan ang apat pang bihag sa Surigao del Sur, Sultan Kudarat at Bukidnon.
“The CPP urges the local commands of the AFP and PNP to stand down and coordinate with third-party facilitators to pave the way for the releases,” saad ng grupo.
Umaasa ang CPP na magdedeklara rin ang GRP ng unilateral ceasefire at palalayain ang 19 na matatanda at may sakit na political prisoner at apat na NDFP consultant batay sa napagkasunduan sa backchannel talk noong Marso 10 hanggang 11, 2017 sa Utrecht, The Netherlands.
Hinimok ng mga komunista si Pangulong Rodrigo R. Duterte na utusan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ihinto ang mga opensiba “to help create a favorable atmosphere for the mutual ceasefire.”