National Team ng PVF, isasalang sa AVC volley tilt.
HUWAG mabigla kung muling madama ang Amihan at ang lupit ng Bagwis.
Ipinahayag ng Philippine Volleyball Federation (PVF) ang muling pagbuo sa Amihan at Bagwis – bansag sa Philippine Volleyball women’s and men’s team – para muling sumabak sa international competition.
Iginiit ni PVF president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada na nagpadala na ang asosasyon sa International Volleyball Federation (FIVB) at Asian Volleyball Confederation (AVC) nang pahintulot para maipadala ang Amihan sa AVC Under-23 championship sa Thailand sa Mayo.
‘We are ready to honor the country’s commitment to send a team,” pahayag ni Cantada.
Binubuo ang orihinal na Amihan nina UAAP two-time MVP Alyssa Valdez, Mika Reyes, Tina Salak, Mary Jane Balse, Nerissa Bautista, Rachel Daquiz, Kim Fajardo, Jaja Santiagi, Dindin Santiago, Maika Ortiz, Rhea Dimaculangan, Jen Reyes, Royse Tubinio, Jovelyn Gonzaga, Lizlee Pantone, Denise Lazaro at Aiza Pontillas.
“Marami tayong batang player. Magdadagdag tayo na pasok sa age category,’ sambit ni Cantada.
Naging host ang bansa sa inaugural staging ng liga noong 2015, ngunit ang Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. – binuo ng Philippine Olympic Committee (POC) – ang nangansiwa ng torneo.
Sa pagkakatong ito, ipinahayag ng LVPI na naka-focus ang atensyon sa paglahok sa 29th Southeast Asian Games – isa sa tatlong multi-event sports (Asian Games at Olympics) – na nasa pangangasiwa ng International Olympic Committee (IOC) kung saan miyembro ang POC.
“Simple lang naman, yung tournament na sanctioned ng international federation hindi kailangan ang POC ang magbuo ng team. Karapatan ng recognized national sports association ‘yun,” paliwanag ni Cantada.
Dahil sa ibinigay na ‘status quo’ sa kalagayan ng volleyball bunsod nang isinasagawang imbestigasyon ng FIVB special committee, nananatiling PVF ang recognized member ng International body, paliwanag ni Cantada.
Kinatigan ito ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez na personal na hiningi ang opinyon ng FIVB hingil sa sitwasyon ng volleyball sa Pilipinas.
Naipahayag din ni Fernandez na handa ang PSC – nagbuo ng Arbitration and Mediation Committee -- na suportahan ang mga atleta na naipit sa mga gusot ng national sports association (NSA) o yaong biktima ng discrimination.
Tinangka ng Balita na makuha ang pahayag ng LVPI hingil sa isyu, ngunit nabigong makuha ang kanilang pananaw.
“Despite the proximity of the dates of the event, the PVF will, nevertheless, come up with a team. We are, initially tapping the former members who were specifically recruited for the U23 in 2014 and would still be eligible. We are also looking at promising players who could fill in the shoes of those who have outgrown this tournament,” pahayag ni Cantada.
“Surely, we will come up with a very competitive team, motivated by the special attention the PVF intends to give them. They will not be treated as numbers but as persons with the utmost respect and affection,” aniya.
(Edwin G. Rollon)