PEBRERO 7, 2017 nang ipinagkaloob ng Unibersidad ng Pilipinas ang unang Gawad Oblation Awards sa natatanging alumni sa iba’t ibang larangan. Pinalad akong makasama sa unang grupo ng mga tumanggap ng parangal.

Ibig kong ibahagi ang aking talumpati sa pangalan ng mga awardees, lalo na at malapit na ang panahon ng pagtatapos sa mga paaralan. At ang mga bagong nagtapos ay susuong sa mundo upang maging karangalan din ng kanilang alma mater.

Ikinararangal ko na mapabilang sa unang Gawad Oblation awardees, na kinabibilangan ng ilang dedikadong lingkod-bayan na nakasama ko sa 21 taon ko sa serbisyo-publiko. Ang iba ay mga pinuno ng industriya at mga edukador na tumulong sa paghubog sa ating bayan, ngunit ang lahat ay nagbigay ng katangi-tanging serbisyo sa Unibersidad ng Pilipinas.

Binabati ko po kayong lahat at maraming, maraming salamat sa UP naming mahal!

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Pinasasalamatan ko sina outgoing UP President Alfredo Pascual, ang bagong UP President Attorney Danilo Concepcion at si Prof. Edna Co, vice president for public affairs.

Binabati ko si President Pascual sa pangunguna sa pagtatagumpay ng UP sa kanyang termino. Nagpapasalamat ako sa kanyang pagsuporta sa partnership sa pagitan ng UP at ng Vista Land. Ilang araw pa lamang ang nakararaan ay inilunsad namin ang @Lab Innovation Hub sa Vista Alabang.

Sa aming sariling paraan, pinaglingkuran naming mga Gawad Oblation awardees ang bayan na may dedikasyon sa abot ng aming makakaya.

Ito, sa aking pananaw, ang tunay na papel na ginagampanan ng Unibersidad ng Pilipinas sa ating kasaysayan. Bilang pangunahing unibersidad ng estado, tinuturuan nito ang kabataang Pilipino hindi lamang upang maging mabubuting empleyado o negosyante, kundi upang maging mabuting Pilipino.

Nang tanggapin ko ang parangal, naramdaman kong nakumpleto ang sirkulo ng aking buhay. Nang una akong pumasok sa UP, isa lamang akong simpleng bata mula sa Tondo na ang pangarap lamang ay mapabuti ang buhay ng aking pamilya.

Wala akong interes sa pulitika at pamahalaan, at hindi ako nangarap na maging kinatawan, senador o pangulo.

Nagbago ang lahat nang pumasok ako sa UP noong 1966. Ang mga taon na ginugol ko sa UP, lalo na sa College of Business Administration, ang nagbigay sa akin ng oportunidad na mangarap nang matayog.

Nakasalamuha ko ang kapwa ko kabataan na may matatayog na pangarap, at marami sa kanila ay gustong baguhin ang daigdig. Sabi ko nga sa sarili ko: “Gusto ko lang baguhin ang kalagayan namin sa buhay tapos itong mga kaklase ko gustong baguhin ang mundo!”

Nais ko pa ring bigyan ng mabuting buhay ang aking pamilya, ngunit sa pakikisalamuha ko sa pinakamagagaling, napagtanto ko na kaya ko ring lumaban upang mabigyan ng mabuting buhay ang aking mga kapitbahay, komunidad at bayan.

Natitiyak ko na lahat ng Gawad Oblation awardees ay naapektuhan ng kanilang pananatili sa UP. Anuman ang inabot namin sa buhay — paglilinaw sa direksiyon ng buhay, pagkakaroon ng kamalayang panlipunan o pampulitika, pagpapaunlad sa aking katauhan o paglilinang sa aming kakayahan — ang UP ang dahilan kung ano man ang narating namin sa buhay.

Sa aking bahagi, pinalad akong magtagumpay sa pribadong sektor... at maging sa serbisyo-publiko. Nagtagumpay ako sa industriya ng real estate. Una akong naging miyembro ng Kongreso noong 1982 at naging Speaker, at pagkatapos ay naging pangulo ng Senado.

Pagtapos ng huling termino ko sa Senado, bumalik ako sa aking negosyo na taglay ang sigla ng isang bagong estudyante sa malaking unibersidad.

Sa pagdaan ng panahon at karanasan, madalas nating nililingon ang nakaraan, at inaalala ang mga taong nakasama natin, ang mga institusyon at sitwasyon na nagbukas ng ating landas. Nagagalak ako at nagpapasalamat dahil ang madalas kong nakikita sa salamin ay ang UP bilang isang institusyon na tumulong sa akin upang makita kung ano ang magagawa ko sa buhay.

Sa ngalan ng lahat ng pinarangalan, tinatanggap ko ang gawad na ito bilang katibayan ng mahalagang papel ng UP sa paghubog sa mga indibiduwal na gaya namin upang maging mga lider. Ito ay isang testamento sa bahagi ng UP sa paghubog sa ating kasaysayan at pagtatatag ng ating bansa.

Muli, maraming salamat sa inyong lahat at mabuhay ang UP naming mahal!

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)