Portland, tumatag sa labanan sa No.8; Cavs, nakabangon.

MIAMI (AP) — Mistulang batya ang rim kay Damian Lillard na tumipa ng season-high 49 puntos, tampok ang siyam na three-pointer para sandigan ang kampanya ng Portland Trailblazers na makasambot ng puwesto sa playoff sa impresibong 115-104 panalo kontra Miami Heat nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Napantayan ni Lillard ang career high sa three-pointer para sa kabuuang 1,002 career points. Naikamada niya ang 14-for-21 sa field, 9-for-12 mula three-point range at perfect 12-12 sa free throw.

Nag-ambag si Jusef Nurkic ng 21 puntos at 12 rebound para sa Portland (32-37), lumapit sa Denver Nuggets para sa labanan sa huli at ikawalong spot sa Western Conference, habang tumipa sina C.J. McCollum at Noah Vonleh ng 18 at 11 puntos ayon sa pagkakasunod.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Nanguna si James Johnson sa Miami sa naiskor na 24 puntos. Tangan ang kartang (34-36) kinapos ang Heat na makaabot sa .500 sa kauna-unahang pagkakataon.

CAVALIERS 125, LAKERS 120

Sa Los Angeles, hataw si Kyrie Irving sa nakubrang 46 puntos, habang nagsalansan si LeBron James ng 34 puntos sa panalo ng Cleveland Cavalers kontra Lakers.

Humirit si Kevin Love ng 21 puntos at 15 rebounds para sa Cavaliers, nanganilangan ng matinding ratsada para mahabol ang 11 puntos na bentahe ng karibal sa kaagahan ng laro at masiguro ang playoff spot sa Eastern Conference.

Tumipa si D'Angelo Russell ng career-high 40 puntos para sa Lakers, nabigo sa ikalimang sunod na laro at ika-13 sa loob ng 14 na laro.

SPURS 118, KINGS 102

Sa San Antonio, matibay ang opensa ng ‘big men’ na sina Pau Gasol at LaMarcus Aldridge sa naiskor na 22 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod para putulin ang two-game losing skid ng San Antonio kontra Sacramento.

Matamay ang laro ni Kawhi Leonard na nag-ambag lamang ng 12 puntos, at hindi na naglaro sa kabuun ng final period nang maitayo ng Spurs ng 28 puntos na bentahe.

Nanatiling nasa ikalawang puwesto ang San Antonio (53-16) sa likod ng Golden State (55-14) para sa NBA best record.

76ERS 105, CELTICS 99

Sa Philadelphia, naisalpak ni Robert Covington ang go-ahead three-pointer sa fourth quarter para itakas ang Sixers kontra Boston Celtics.

Kumana si Dario Saric ng krusyal basket para sa Sixers na nagpalakas sa kampanya para sa NBA Rookie of the Year award. Nagsalansan siya ng 23 puntos para sandigan ang paghahabol mula sa 13 puntos na bentahe ng karibal.

Naisalpak ni Covington ang three-pointer may 3:37 ang nalalabi sa laro para agawin ang bentahe sa 94-92, bago nasundan ng isa pang tres ni Nik Stauskas para sa 103-97 bentahe na nagpadagundong sa Wells Fargo Center.

Matapos ang pagwawagi sa Dallas, 116-74, nitong Biyernes, umusad ang Sixers sa respetadong 17-19 marka sa home.

Nakapanalo lamang sila ng 10 laro sa kabuuan ng nakalipas na season.

Nanguna si Al Horford sa Celtics sa season-high 27 puntos, habang hindi nakalaro si Boston star guard Isaiah Thomas sa ikalawang sunod na pagkakataon bunsod ng injury sa kanang tuhod.

RAPTORS 116, PACERS 91

Sa Toronto, umiskor ng double digits ang lahat ng starter ng Toronto, sa pangunguna ni DeMar DeRozan na may 22 puntos, para gapiin ang Indiana Pacers.

Kumana si Serge Ibaka ng 16 puntos at tumipa si Jonas Valanciunas ng 11 puntos at 13 rebound sa Raptors (41-29).

Nanguna si Paul George sa Indiana sa natipang 18 puntos.

Sa iba pang laro, winasak ng Dallas Mavericks ang Brooklyn Nets, 111-104; pinalubog ng Detroit Pistons ang Phoenix Suns, 112-95; pinaluhod ng New Orleans Pelicans ang Minnesotta Timberwolves, 123-109.