Kinasuhan na kahapon ng robbery extortion sa Manila Prosecutors’ Office (MPO) ang siyam na tauhan ng Manila Police District (MPD)-Station 5 na pawang inireklamo ng pangongotong sa Ermita, Maynila.
Una nang pinangalanan ng mga vendor ang pitong pulis na bumiktima sa kanila, ngunit kalaunan ay naging siyam na ito.
Aabot sa 20 tindero at tindera, sa pangunguna ni Jean Alvarez, 51, ang pormal na naghain ng kaso sa piskalya laban kina SPO2 Marvin Velasquez, SPO2 Rommel Alfaro, PO3 Leo de Jose, PO3 John David, PO2 Romeo Rosini, PO2 Wedderico Alonzo, PO2 James Paul Cruz, PO1 Ronie Boy Alonzo, at PO1 Dino Lozano.
Matatandaang ipina-relieve sila ni MPD Director Police Supt. Joel Coronel at inatasang mag-report sa MPD headquarters upang isuko ang kani-kanilang service firearm.
“They will be held liable administratively and criminally for extortion activities and grave misconduct,” ani Coronel. “Dismissal kung gross misconduct ang mapapatunayan.” (MARY ANN SANTIAGO)