Ika-34 triple-double kay Westbrook; Cavs at Warriors, wagi.

OAKLAND, Calif. (AP) – Maagang nag-init ang opensa ng ‘Splash Brothers’ – Klay Thompson at Stephen Curry – para pagbidahan ang impresibong 122-92 panalo kontra Orlando Magic nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Oracle Arena.

Hataw si Thompson sa naiskor na 29 puntos at kumubra si Steph Curry ng 25 puntos at siyam na assists para makapo ng Golden State Warriors ang ikalawang sunod na panalo at makausad ng 11/2 game laban sa San Antonio Spurs.

Naisalpak ni Thompson ang 5-of-9 sa three-point area, habang naikamada ng Warriors ang mataas na 57.5 percent sa field para manatiling nasa ibabaw ng Western Conference playoff.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Kumana rin ang bench ng Warriors, sa pangunguna ni Andre Igoudala na may 14 puntos at siyam na rebound, habang tumipa si Ian Clark ng 12 puntos.

Nanguna sina Elfrid Payton at Feff Green na may tig-13 puntos para sa Magic, nagtamo ng ikaapatna sunod na kabiguan.

THUNDER 123, RAPTORS 102

Sa Toronto, nailista ni Russell Westbrook ang ika-34 triple double -- 24 puntos, 16 assist at 10 rebound – ngayong season sa panalo ng Oklahoma City Thunder kontra Raptors.

May nalalabi pang 14 na laro sa regular season ang Thunder kaya’t malaki ang tyansa ng nangungunang MVP contender na mapantayan hindi man malagpasan ang 41 triple double na record ni Oscar Roberton noong 1961-62 season.

Nag-ambag si Victor Oladipo ng 23 puntos para sa Thunder.

Nanguna si DeMar DeRozan sa Raptors na may 22 puntos, habang tumipa si dating Thunder forward Serge Ibaka ng 10 puntos.

CAVALIERS 91, JAZZ 83

Sa Cleveland, hataw si LeBron James sa naiskor na 33 puntos, tampok ang 17 sa fourth quarter para sandigan ang Cavaliers kontra Utah Jazz.

Kumana si Kevin Love, nagbalik-akisyon mula sa isang buwang pahinga bunsod ng injury, ng 10 puntos, ngunit sina Kyrie Irving at Iman Shumpert ang posibleng pumalit sa injured list nang hindi na makabalik sa laro.

Tumipa si Irving ng 21 puntos.

Nanguna si Rudy Gobert sa Utah sa naiskor na 20 puntos at 18 rebound.

GRIZZLIES 103, HAWKS 91

Sa Atlanta, umiskor si Marc Gasol ng triple-double --18 puntos, 10 rebound at 10 assist – sa panalo ng Memphis Grizzlies kontra Hawks.

Nag-ambag si Mike Conley ng 22 puntos at 12 assist para sa ikalawang sunod na panalo ng Memphis matapos ang nakakawindang na five-game losing skid.

Sa iba pang laro, naungusan ng Brooklyn Nets ang New York Knicks, 121-110, sa ‘Battle of Broadway’.