SIMPLE subalit bigla ang aking tugon sa muling pagtatanong ng isang malapit na kaibigan na hanggang ngayon ay nangungunyapit pa sa kanyang puwesto sa isang ahensiya ng gobyerno: Magbitiw ka na. Palibhasa’y higit pa sa magkapatid ang aming pagtuturingan, walang pangingimi kong sinabi sa kanya: Huwag mo nang hintayin pang ipagtabuyan ng administrasyon upang hindi ka masyadong malagay sa kahihiyan; huwag mong tularan ang iba pang tauhan ng pamahalaan na napangawitan na ang kanilang puwesto kahit kawing-kawing na ang mga reklamo laban sa kanila.
Hanggang ngayon, marami pang ‘hold-over official’ na nananatili sa tungkulin habang hinihintay ang kanilang makakapalit. Marami sa kanila ang hindi nagpapatinag sa mga kadahilanang makasarili kahit na sila ay mistulang ipinagtatabuyan na ng administrasyon; kahit na sila ay walang civil service eligibility at hindi sila CESO (Career Executive Service Officer).
Magugunita na paulit-ulit nang ipinahihiwatig ni Pangulong Duterte na kailangan nang magbitiw ang tinatawag na co-terminus officials na hinihirang ng nakaraang administrasyon. Naniniwala ako na ang kanyang pahayag ay nakaangkla sa hangaring magtalaga ng kanyang mga kaalyado na magiging katuwang niya sa ipinangangalandakan niyang malinis na gobyerno.
Nais niyang lipulin ang mga katiwalian sa gobyerno, tulad ng kanyang pagsugpo sa kriminalidad at sa illegal drugs.
Nais niya na ang drug-free society ay maging bahagi ng kanyang pamana sa kasalukuyan at sa darating na henerasyon ng sambayanang Pilipino.
Subalit nakapanlulumo namang mabatid na may nakalulusot na tila pasaway at pabigat sa mga itinatalaga ng Pangulo.
Lagi niyang ipinahihiwatig na ang kanyang mga hihirangin sa kanyang administrasyon ay matatapat at matatalino at huwarang lingkod... ng bayan; maaaring ang ibang appointees ay ipinakiusap ng hindi matatanggihang mga kaalyado.
Ewan ko kung dapat sisihin ang Pangulo, subalit dalawa sa kanilang fraternity brothers ang nasasangkot ngayon sa sinasabing extortion case; pinatalasik na ang mga iyon sa Bureau of Immigration (BI), kasama ang iba pang opisyal ng naturang ahensiya na umano’y pinamumugaran ng ilang tiwaling lingkod ng bayan.
Maging ang isang malapit na kaalyado ng Pangulo ay itiniwalag na rin niya sa National Irrigation Administration (NIA) dahil sa sinasabing milyun-milyong pisong transaksiyon. Nitong ilang araw, isa ring bagong talagang opisyal ng National Promotions Board ang inirereklamo ng kanyang mga kapwa kawani. Natitiyak ko na marami pang ganitong nakadidismayang mga eksena ang gumigiyagis ngayon sa Duterte administration.
Hindi lamang mga kapit-tuko ang dapat pagtuunan ng pansin ng Pangulo kundi ang pagsusuri sa iba pang naglulumunod na maitalaga sa puwesto. (Celo Lagmay)