WINALIS ng San Beda ang NCAA Season 92 nang pagwagihan ang overall championship sa juniors at seniors division sa opisyal na pagtatapos ng liga kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.

Nakopo ng Red Lions ang kabuuang 683 puntos matapos pagwagihan ang basketball, chess, men’s taekwondo, women’s table tennis, men’s at women’s swimming at football para gapiin ang St. Benilde, nagtapos sa ikalawang puwesto sa na may 647 puntos. Pinagbidahan nila ang men’s volley, women’s taekwondo, men’s table tennis at men’s lawn tennis.

Naselyuhan ng San Beda ang kampeonato nang pumangalawa sa women’s beach volleyball sa Subic, sapat para maibsan ang kabiguang natamo sa centerpiece athletics kamakailan sa Philsports Complex sa Pasig City.

Ito ang ikalawang sunod na overall championship ng Lions at ikalima sa kabuuan.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“We’re very happy, it’s a proud accomplishment for the whole San Beda community,” pahayag ni Management Committee chair Jose Mari Lacson ng host San Beda.

“We invested in other sports not just the events we’re strong at. We hope to keep on improving year after year. We also put emphasis in indoor and beach volleyball,” aniya.

Pumangatlo ang Arellano U na may 590 puntos kasunod ang Lyceum of the Philippine University (444.5), Perpetual Help (384.5), Letran (367), Mapua (301.5), San Sebastian (300), Emilio Aguinaldo (299) at Jose Rizal (172.5).

Taliwas ang kaganapan sa Cubs na gahibla lamang ang nilamang sa Junior Blazers (405-397.5) para makamit ang ikalimang sunod na general crown at tanghaling winningest team na may 13 titulo.

Pangatlo ang Letran na may 352.5 puntos kasunod ang LPU (278), EAC (271.5), St. Benilde (244), San Sebastian (229), Perpetual Help (188), Jose Rizal (102.5) at Mapua (102). (Marivic Awitan)