Sa harap mismo ng kanyang misis binaril at pinatay ang isang Canadian businessman habang sila’y naipit sa trapiko sa Pasay City, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ni Chief Inspector Rolando Baula, head ng investigation unit ng Pasay Police, ang biktima na si Nanthakumaran Kumarasamy, 55, ng No. 212 Purple Road, Gatchalian Subdivision, Parañaque City. Siya ay may stall sa isang mall sa Pasay na nagbebenta ng mga beauty product at gadget.
Isinugod pa si Kumarasamy sa San Juan De Dios Hospital ngunit patay na ito dahil sa tama ng bala sa kaliwang leeg.
Bandang 6:30 ng gabi, sakay si Kumarasamy at kanyang misis sa kanilang gold Suzuki APV (PHO 894) at pauwi na mula sa kanilang tindahan nang sila’y atakehin ng hindi pa nakikilalang armado, ayon kay Baula.
Habang sila’y naipit sa trapiko sa kahabaan ng EDSA Extension malapit sa Metro Park patungong Macapagal Avenue Intersection, nilapitan ng suspek ang sasakyan ng biktima at malapitang binaril si Kumarasamy.
Ayon kay Baula, mukhang planado ang pamamaril dahil inabangan ng suspek ang biktima sa ruta nitong dinadaanan tuwing umuuwi galing tindahan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi batid na direksiyon.
“Sa ngayon ang tinitingnan nating isa sa posibleng motibo, parang third party sa part ng lalaki baka napagdiskitahan siya dahil doon,” ayon kay Baula.
Ligtas naman ang misis ni Kumarasamy na si Ierene, 24, apat na buwang buntis, ngunit kasalukuyan itong dumaranas ng trauma.
“Inaantay pa natin ‘yung salaysay niya kasi medyo trauma pa eh, nasa ospital pa. Nag-request na rin tayo ng kopya ng CCTV (closed-circuit television) footage para makilala ‘yung suspek,” ani Baula.
(MARTIN A. SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)