Tuluyan nang naaresto ng Quezon City police ang suspek sa pagpatay sa isa sa mga miyembro ng all-male entertainment group na Masculados at isang overseas Filipino worker sa Angono, Rizal noong Agosto 2015.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar na nadakip nila si Kristopher Kyle Ernie at dalawang iba pa sa isang bakanteng lote sa Atherton Street, Barangay Sta. Lucia, bandang 4:30 ng hapon nitong Biyernes.
Kinilala naman ang dalawa pang naaresto na sina Joselito Pangilinan, 39, ng Bgy. Sikatuna Village; at Reedlani Eclarenal, 19, ng Bgy. Sauyo. Ang tatlo ay pawang nag-iingat ng .45 na baril, isang kutsilyo, at iba’t ibang drug paraphernalia na kinabibilangan ng anim na pakete ng hinihinalang shabu.
Kinasuhan si Ernie at dalaw pa niyang kasabwat na sina Jaime Ilano, alyas “Toto Laki” at Paulo Hernandez dahil sa pagkakasangkot sa pagkamatay ni Marcelino “Ozu” Ong ng Masculados at seaman na si Arnest John Agbayani.
Matatandaang binaril at pinatay si Ong sa harap ng Primrose Subdivision, Bgy. Mahabang Parang, Angono, Rizal habang tinangay nina Ernie, Ilano, at Hernandez ang kanyang Toyota Hilux noong Agosto 2, 2015.
Habang si Agbayani, mula rin sa Angono, ay natagpuang naaagnas sa isang highway sa Tagaytay City dalawang araw matapos siyang mawala. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)