BANTAY, ILOCOS SUR – Kabuuang 8,000 atleta at opisyal ang nakiisa sa isinagawang Region 1 Athletic Association meet na pinangasiwaan ni Ilocos Sur Gov. Ryan Singson nitong Sabado sa President Elpidio Quirino Stadium dito.

Pinamunuan ni Gov. Singson, kasama ang mga lokal na opisyal ng lalawigan at kinawatan ng Department of Education (DepEd) ang tradisyunal na pagtataas ng bandila ng R1AA at 14 na delegasyon na sasabak sa limang araw na kompetisyon.

Iginiit ni Singson na kinalulugdan ng lalawigan ang pagho-host ng mga kompetisyon sa grassroots level para maenganyo ang kabataan na sumabak sa sports at matulungan ang pamahalaan sa layuning hubugin at sanayin ang mga batang atleta.

Maging si Philippine Sports Institute (PSI) Training Director Marc Velasco, kumatawan kay PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez sa opening ceremony ay napahanga sa maayos at dekalidad na sports facility sa lalawigan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

"Kami nga doon sa PSI, walang ganito kagandang stadium. That is why I am very thankful for the support of Gov. Ryan Singson to the PSI," pahayag ni Velasco.

Iginiit ni Velasco na kabilang ang Ilocos Sur sa satellite venue ng PSI.

Malugod namang tinanggap ni Gov. Singson, Vice Governor Jeremias Singson at mga miyembro ng Provincial Board ang programa ng PSI para sa lalawigan.

Tinanggap ni Gov. Singson ang R1AA banner mula kay Mayor Joseres Resuello ng dating host San Carlos City at idineklara ang kahandaan ng Quirino Stadium para sa hosting ng world-class multi-event tournament.

Ang R1AA 2017 hosting ay bahagi rin ng kampanya ng Ilocos Sur na makuha ang hosting para sa susunod na Palarong Pambansa.