TUWANG-TUWA ako habang binabasa ko ang 32 pahinang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) Branch 267 sa Taguig laban sa isang miyembro ng maimpluwensiyang sindikato ng droga na nahuli umano sa aktong nagbebenta ng shabu na nagkakahalaga ng P5,000, halos limang taon na ang nakalilipas.

Bihira akong makabasa ng “conviction” ng mga akusado sa ilegal na droga, kadalasan kasi sa piskalya pa lamang ay mga “hocus-pocus” nang nagaganap kaya napapawalang sala agad ang mga adik at pusher na naaresto ng mga pulis – lalo pa’t kabilang sa isang kilalang angkan ng mga pulitiko sa isang lugar.

Sa hatol na ibinaba ni Judge Antonio Olivete, sinabi ng korte na “guilty beyond reasonable doubt” sa pagtutulak ng shabu si Elisa “Ely” Tinga kaya siya ay pinatawan ng parusang “Reclusion Perpetua” o tatlumpung taong pagkakabilanggo at pinagbabayad pa siya ng multang P500, 000 - kaugnay din sa kasong ito, nahatulan din si Tinga ng karagdagang pagkakakulong ng 10 hanggang 15 taon dahil sa kasong “Illegal possession of prohibited drugs.”

Dalawa ang kasama ni Tinga sa kasong ito - sina Andrea Escalante at Daniel Datinggaling na matapos mahatulan ay agad ding inilipat sa Correctional Institution for Women (CIW) at sa New Bilibid Prison (NBP). Ang magkasanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), District Anti-Illegal Drugs - Southern Police District (DAID-SPD) at Taguig City Police ang trumabaho sa grupong ito na kung tawagin ay “Tinga Drug Syndicate” noong Hulyo 2012 sa Kalayaan Street ng Barangay Ususan, Taguig City. Huli sa akto ang grupo ni Tinga at napatunayan sa korte na ang paketeng iniabot nila sa buyer ay naglalaman ng shabu.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ayon sa record ng mga pulis, pampitong miyembro na ng “Tinga Drug Syndicate” si Elisa na nahulog sa kamay ng batas simula pa noong 1996. Siya rin ang ikatlong most wanted person sa listahan ng illegal drug distributors sa buong Taguig at asawa ni Noel Tinga na kamag-anak ni dating Taguig City Mayor Freddie Tinga.

Nito lamang Setyembre ng... nakaraang taon, si Joel Tinga na isa ring miyembro ng naturang sindikato ay naaresto ng mga awtoridad at nahatulan rin ng “Reclusion Perpetua” – may anim pang miyembro ng grupo ang nakapila at naghihintay na lamang ng kani-kanilang hatol sa hukumang may hawak ng mga kaso nila.

Ang nakikita kong maganda sa ganitong mga pangyayari ay ang biglang pag-usad ng mga nakabimbing kaso hinggil sa droga kahit na ang mga akusado ay miyembro ng maimpluwensiyang pulitiko at pamilya – sana magtuluy-tuloy na ito. Ganito lang naman ang kailangan at hindi ang mga walang patumanggang pagpatay sa mga kababayan nating “pinaghihinalaan” pa lamang ay “guilty” na agad sa mga awtoridad sa ngayon.

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)