reynante copy

Reynante, nagretiro na sa LBC Ronda Pilipinas.

BAHAGI na ng kamalayan sa mundo ng cycling ang pangalan ni Lloyd Lucien Reynante. Hindi lamang dahil ang ama niya ay isa ring pamosong siklista na namayagpag sa noo’y Marlboro Tour, kundi sa sariling diskarte at husay sa road race.

Matapos ang dalawang dekada na pagsabak sa kalsada, isang desisyon ang nabuo ni Reynante – team skipper ng Philippine Navy-Standard Insurance – na kasalukuyang nangunguna sa 2017 LBC Ronda Pilipinas, ang pagreretiro.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Hindi lamang mga kasangga, bagkus maging ang kanyang mga karibal ay nagulat sa pahayag ni Reynante kahapon habang nagpapahinga at nagsasagawa ng ensayo ang mga kalahok para sa pagbabalik ng aksiyon sa Huwebes.

"Pahinga na tayo. Medyo bugbog na ang katawan natin. Tingin ko ito na ang huling sabak ko sa Ronda. Tapos na tayo,” pahayag ni Reynante, isa sa pinakamatikas at may pinakamakulay na career sa Ronda.

Hindi man naging isang kampeon, hindi matatawaran ang katatagan at kahusayang ipinamalas ni Reynante sa international tournament bilang miyembro ng National Team, gayundin sa Ronda.

"I'm blessed beyond belief to have been given this chance to compete against the country's best in more than 20 years and meeting and working with some great people who supported me, what more can I ask for," sambit ng 38-anyos na si Reynante.

Inamin niya na sa kabila ng kabiguan na mapantayan ang tagumpay ng kanyang ama na si Manuel – ilang ulit naging kampeon sa pamosong Tour noong dekada 80 – masaya niyang lilisanin ang sports dahil sa ipinagkaloob nitong oportunidad at paghubog ng kanyang katauhan.

Tatlong ulit siyang sumegunda kina Rhyan Tanguilig, Joel Calderon at Irishman David McCann, noong 2004, 2009 at 2010 Tour, ayon sa pagkakasunod at ilang ulit siyang napasama sa Top five at top 10 sa kabuuang ng kanyang career.

"Ako na siguro ang siklistang ang may pinakamaraming runner-up finish sa career. Gayunman, masaya ako sa naging career ko. Importante naman yung nagawa mo ang gusto mo at nakatulong ka sa teammate mo,” aniya.

Kung papayagan ng pagkakataon, nais ni Reynante na ituloy ang career sa coaching.

"I've actually coaching Navy-Standard Insurance for years and if they went me to coach them again next year, it will be honor for me to do so. I also have a new team in Bike Extrme," sambit ni Reynante.

"I also dream of getting a chance to coach the national team, I hope they give me an opportunity," aniya.

Matapos ang mahabang pahinga, balik kalsada ang mga siklista sa pagbabalik ng aksiyon sa LBC Ronda para sa Stage 12 sa Marso 2 sa Guimaras, habang sisikad ang Stages 13 at 14 sa Matso 3-4 sa Iloilo City.

Tumataginting na P1 milyon ang premyo para sa individual champion kaloob ng presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.