Sinabi kahapon ni Senator Leila de Lima na hindi makatwiran para sa kanya ang paulit-ulit na bantang mararanasan niya ang kaparehong pagdurusa ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo noong makulong ito.

Iginiit ni De Lima na hindi niya inabuso ang kanyang kapangyarihan noong siya pa ang kalihim ng Department of Justice (DoJ) sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Kaya naman, aniya, hindi niya maunawaan kung bakit siya ang sinisisi sa pagkakapiit ni Arroyo, gayundin ang gobyernong Aquino ang nagsampa ng mga kasong plunder at graft laban sa dating Pangulo at sa mga dating senador na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla, Jr., pawang inakusahan sa pagkakasangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

“But I never abused my authority. That’s why I do not deserve this because the charges they are throwing against me really have no basis,” sinabi ni De Lima sa isang panayam ng radyo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“I only did what I need to do base on the cases and the evidence presented. I did not commit any acts of persecution.

That’s not my style.”

Sinampahan nitong Biyernes ng DoJ si De Lima ng tatlong kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng pagkakasangkot umano sa bentahan ng droga sa New Bilibid Prison (NBP).

Iginiit din ni De Lima na hindi siya naghahangad ng special o VIP treatment sakaling tuluyan na siyang maaresto.

“I’m not asking for a special or VIP treatment. All I’m asking is they ensure my security and my safety. That’s why as I said, I have no plans to hide, or leave the country or hide here in the Philippines,” sabi ni De Lima.

“I will never hide because my conscience is clear that’s why my appeal is that I hope they would stop persecuting me.

They know that these so-called complainants, including the VACC (Volunteers Against Crime and Corruption), that they filed trumped up and fabricated charges against me. This is definitely a travesty of truth and justice.”

Samantala, na-raffle na ang tatlong kaso ni De Lima sa Muntinlupa RTC, at napunta ang Criminal Case No.165 kay Muntinlupa RTC Branch 164 Judge Juanita Guererro, ang Criminal Case No. 166 ang hahawakan ni RTC Branch 205 Judge Amelia Fabros-Corpuz, at ang Criminal Case No. 167 naman ay kay Branch 206 Judge Patricia Manalastas-de Leon.

Susuriin ng mga hukom ang nasabing mga kaso kung may probable cause para sa nararapat na pag-iisyu ng warrant of arrest laban sa senadora at mga kapwa akusado nito.

Nabatid na ang kinakaharap ni De Lima na kaso sa droga ay walang kaukulang piyansa.

(Hannah Torregoza at Bella Gamotea)