UMABOT na ang antas ng polusyon sa hindi makakayanan ng sangkatauhan at isa sa mahahalagang solusyon dito sa ngayon ay ang pamumuhunan sa renewable energy, ayon kay United Nations Environment Program Deputy Executive Director Ibrahim Thiaw.

Sa panayam kamakailan ng Xinhua, sinabi ni Thiaw na ang polusyon ay isang usaping may sangkatutak na dimensiyon na may malaking epekto sa kalusugan ng sangkatauhan at nakaaapekto rin sa ekonomiya.

Una nang tinukoy ni Thiaw ang estadistika ng World Health Organization na nagsasabing pitong milyong maagang pagkamatay ng tao kada taon ang iniiugnay sa polusyon sa hangin, idinagdag na trilyun-trilyong dolyar ang taunan ding nawawala dahil sa polusyon.

Gayundin, binanggit niyang ang polusyon ay maaaring makapagdulot ng mga usaping tumatawid sa mga hangganan ng mga bansa, dahil ang mga pollutant na nalilikha ng isang bansa ay maaaring makaapekto sa ibang bansa o rehiyon sa pamamagitan ng mga ilog at lawa, at pagkasunog ng kagubatan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang pinakaepektibong solusyon laban sa polusyon, ayon kay Thiaw, ay ang tukuyin ang pinagmulan ng mga ito at bawasan o pigilan iyon, na isang kumplikadong proseso at mangangailangan ng pagtutulungan ng lahat — ng gobyerno, ng pribadong sektor, at ng mismong lipunan.

Sa mga pagsisikap, sinabi ni Thiaw na ang pamumuhunan sa renewable energy ay isang paraan na makakayang gawin. “The price is going down and the technology is accessible,” ayon kay Thiaw.

Sinabi ni Thiaw na naniniwala ang UN environment agency na sa paggamit ng bagong teknolohiya at ng renewable energy ay maaaring pagkalooban ng kuryente ang mga komunidad nang hindi narurumihan ang kapaligiran.

Tinukoy ang paglala ng polusyon sa hangin, na tinatawag din na smog, sa iba’t ibang dako ng mundo, kabilang ang China, France at India, sinabi ni Thiaw na mahalagang magkaroon ng mga mekanismo ang mga bansa upang magbahagi ng kani-kanilang karanasan kung paano mababawasan ang polusyon sa pamamagitan ng garantisado at epektibong mga hakbangin.

Binanggit din ni Thiaw ang pag-oorganisa ng UN Environment Program ng UN Environment Assembly, na idaraos sa Disyembre ngayong taon sa Nairobi na may temang “Pollution”.

Aniya, ang mismong kumperensiya ay isang pambihirang oportunidad para sa mga diyalogo, at inaasahan niyang makikibahagi ang mga kinatawan ng mga gobyerno, kabilang na ang pribadong sektor, sa mga talakayan upang magkaroon ang mundo ng bago at epektibong paraan ng pamumuhay na makababawas sa polusyon sa kapaligiran. (PNA)