HANDA na ang lahat para sa gaganaping 29th Southeast Asian Games “Rising Together” Baton Run sa Marso 11.

Ito ang ipinahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Executive Assistant Ronnel Abrenica matapos ang pakikipagpulong kay Minister Counsellor and Deputy Chief of Mission Akmal Che Mustafa ng Malaysian Embassy.

“The Games motto, ‘Rising Together’ shall be carried in the event to highlight the objective of unity among SEAG nations,” pahayag ni Abrenica.

Magsisimula ang ‘Baton Run’ sa Malacanang Palace ganap na 6:00 ng umaga at tatahak sa anim na istasyon sa piling lansangan sa Manila. Bawat istasyon ay pangungunahan ng mga Pinoy SEAG medalist sa distansiyang 1.5 kilometro bawat istasyon. Magtatapos ang programa sa Cultural Center of the Philippines (CCP).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Pangungunahan ang programa nina PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez at Malaysia’s Minister of Sports Nik Abd. Kadir Mohammad.

Kabilang sa mga atletang makikibahagi sa programa sina Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz, Rio Paralympics bronze medal winner Josephine Medina, Senator Manny Pacquiao, at Gilas Pilipinas.

Makikiisa rin ang mga atleta mula sa UAAP, NCAA, at DepEd Palaro.

Ang ‘Baton Run’ ay bahagi ng programa na isinusulong ng SEAG Organizing Committee para mapanatili ang bigkis at pagkakaisa ng mga bansa.

Tatanggapin ng Philippines ang simbolikong baton mula sa Brunei at ipapasa sa Laos. Inaasahang babalik ito sa host Malaysia bago ang opening ceremony ng SEAG sa Agosto 19.