ni Argyll Cyrus Geducos, Rommel Tabbad at Bella Gamotea

Sinabi kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na naglaan siya ng P2 bilyon halaga ng ayuda para sa libu-libong naapektuhan ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao del Norte.

Ayon kay Duterte, ibibigay niya ang pondo kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Judy Taguiwalo.

Batay naman sa pahayag ng DSWD, nakapaloob sa P1,608,152,843.65 pondo ng kagawaran ang kanilang stockpiles na kinabibilangan ng family food packs na aabot sa P42,288.535.84, at available food at non-food items na P124,055,601.99.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Kukunin ang pondo sa quick response fund ng DSWD Central Office.

NAKIRAMAY SI DIGONG

Sa personal niyang pagtungo sa Surigao City kahapon ng tanghali, nagpaabot din ng pakikiramay ang Presidente sa mga nabiktima ng pagyanig.

“We are still lucky as the quake is not as strong as other places. If it reached magnitude 7, it could be worse,” ani Duterte.

Nag-sorry rin siya sa pagkakaantala ng tulong ng gobyerno, dahil na rin sa mga nasirang kalsada at imprastruktura.

Pinangunahan din ni Duterte ang pamamahagi ng 3,500 relief bags sa mga pamilya mula sa 28 barangay na naapektuhan ng lindol.

Samantala, sinabi naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na naglaan ang kagawaran ng mahigit P200 milyon para sa pagkukumpuni ng limang pangunahing kalsada at anim na tulay sa probinsiya na napinsala sa lindol.

PRICE FREEZE

Kasunod naman ng pagdedeklara ng state of calamity sa Surigao City, mahigpit ngayong nagmo-monitor ang Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa siyudad, alinsunod sa awtomatikong ipinatutupad na price freeze.

Pinangunahan ni DTI Undersecretary Ted Pascua ang serye ng pag-iinspeksiyon sa mga pamilihan at tindahan dahil dapat aniyang manatili ang presyo ng mga bilihin batay sa suggested retail price (SRP) sa lungsod.

Iginiit ng DTI na hindi dapat tumaas ang presyo ng bigas, sardinas, instant noodles, kape, asukal, gatas, kandila, kerosene, bottled water at iba pa.

Asahan na rin ng mga taga-Surigao ang pag-iikot ng Diskuwento Caravan ng DTI upang makabili ng murang produkto ang mga residente.