DETERMINADO si President Rodrigo Duterte sa totohanang paglaban (all-out-war) sa New People’s Army (NPA) matapos niyang kanselahin ang unilateral ceasefire at wakasan ang peace talks sa CPP-NPA-NDF. Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na muling maglulunsad ng opensiba ang militar laban sa NPA rebels.

Gayunman, niliwanag ni Lorenzana na hindi naman tuluyang sinasara ni Mano Digong ang “mga pintuan” sa muling pakikipag-usap sa grupong komunista kapag may “compelling reason” na makabubuti sa bansa at mamamayan.”So the doors are not closed. This is not cast in stone.”

Para kay PDu30, ang NPA ay itinuturing niyang mga terorista kaya iniutos niya sa AFP na muling simulan ang opensiba ngayong tinuldukan niya ang usapang pangkapayapaan sa mga komunistang rebelde. “Ito ay isang all-out-war dahil itinuturing na ng Pangulo na sila ay mga terorista,” sabi ni Lorenzana. Sila ay katulad na rin ng bandidong Abu Sayyaf Group na walang ideolohiya kundi ang maghasik ng terorismo. Wala na ring plano ang Pangulo na ituloy ang pakikipag-usap kay Joma Sison, founding chairman ng CPP.

Nagsilbi o nag-isyu na ng formal notice ang government peace panel sa National Democratic Front (NDF) na tumatapos sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee (JASIG). Kinansela na rin ang safe conduct passes na ipinagkaloob sa 15 NDF consultant na pinayagan ng Pangulo na lumahok sa peace talks sa Oslo, Norway at sa Rome, Italy. Sakaling bumalik sila sa Pilipinas, sila ay darakpin agad ng mga tauhan ng Bureau of Immigration at ng National Police. Kung naririto naman sila sa bansa, dapat silang sumuko at kung hindi, sila ay paghahanapin at aarestuhin.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung gaano ang pagkupkop at pag-spoil ni PRRD sa mga tauhan ng PNP sa pamumuno ni Gen. Bato na inatasang itumba ang mga drug dealer, pusher at user kaugnay ng kampanya laban sa illegal drugs, ngayon naman ay galit na galit si Pres. Rody dahil sa pagkakasangkot sa mga katiwalian at pagdukot-pagpatay kay Korean businessman Jee Ick-Joo. Si Jee ay pinatay sa loob mismo ng Camp Crame na ilang metro lamang ang layo mula sa “White House” ni Gen. Bato.

Labis ang pagkapahiya rito ng Pangulo kaya humingi siya ng paumanhin sa South Korean government, sa mga mamamayan nito at sa biyuda ni Jee. Dahil dito, hindi napigilan ng Pangulo na akusahan ang PNP na “corrupt to the core” at 40 porsiyento nito ay mga tiwali, bulok, at tarantado.

Kinontra ni PRRD ang desisyon ni Gen. Bato na isailalim sa “retraining” ang mga scalawag sa PNP, kabilang ang mga pulis-Angeles City (Pampanga) na umano’y humuli sa ilang Korean golfer na maglalaro rito at hiningan ng malaking halaga para palayain.

Pinagmumura sila ni Bato, pero katakut-takot na mura ang tinanggap ng 200 pulis kay Mano Digong nang magtungo sila sa Malacañang at sermunan sila ng Presidente. Sa 400 rogue cops, may 200 lang ang dumating sa Malacañang. Sila ay ipadadala ng Pangulo sa Basilan at mananatili roon ng 2 taon bilang parusa.

Samantala, may plano ang Senate committe on justice na imbestigahan ang report ng Amnesty International (AI) na ang mga pulis ay binabayaran para pumatay ng drug suspects sa ilalim ng Duterte administration’s drug war. Kailangan daw magsagawa ng imbestigasyon dahil ito ay seryosong alegasyon na posibleng makasira sa reputasyon ng Pilipinas bilang demokratikong bansa na kumikilala at nagtataguyod ng mga karapatang pantao.

Tanong ng mga mamamayan: “Ano na ba ang nangyayari sa ating mga pulis? Sila ba ay ating tagapagtanggol (protector) o sila mismo ang ating kaaway?” (Bert de Guzman)