Inaresto ng pulisya nitong Biyernes ang apat na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA), dalawa sa mga ito ay sinasabing matataas na opisyal ng kilusan sa Cordillera Administrative Region (CAR) na kabilang umano sa mga nagsunog ng truck ng isang kumpanya ng minahan sa Baguio City kamakailan.

Sinabi ni Chief Supt. Elmo Francis Sarona, director ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera, na naghain na sila ng mga kasong kriminal laban kina Sarah Abellon, Promencio Cortez at Marciano Sagun.

“Both the police and the military remain in pursuit of the main body of communist rebels who carried out the attack,” sabi ni Sarona.

Kasabay nito, dinakip din ng militar at pulisya nitong Biyernes ng umaga ang wanted na kasapi ng Special Partisan Unit (SPARU), ang liquidation squad ng NPA, na si Jose Cortez, alyas “Kintab” sa Barangay Sta. Teresa, Baao, Camarines Sur.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Batay sa huling impormasyon na nakalap, nahati sa dalawang grupo ang mga rebeldeng umatake sa Philex Mining Corporation sa Ampucao, Benguet at nagsunog ng dalawa sa mga truck nito—ang isa ay tumakas patungong Tuba habang dumiretso naman sa Itogon ang isa pa.

Base sa intelligence reports, sinabi ni Sarona na si Abellon ang secretary ng Sub-Regional Military Area Command na responsable sa mga negosasyon para sa mga revolutionary tax sa malalaking proyekto.

Si Cortez naman, aniya, ay may P4.8 milyon patong sa ulo at sinasabing isa sa pinakamatataas na opisyal ng NPA sa Cordillera.

Sinabi pa ni Sarona na nasamsam nila mula kay Abellon ang P850,000 cash nang dakpin nila ito.

“We believe that it is part of the revolutionary taxes they collected and will be converted for NPA operations in line with the order of the Communist Party of the Philippines to carry out attacks against the government,” ani Sarona.

Samantala, kinumpirma ni Captain Joash Pramis, public affairs officer ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, na may arrest warrant si Cortez sa kasong murder.

Nakumpiska mula kay Cortez ang isang .38 caliber revolver at anim na bala, ayon kay Pramis.

(AARON RECUENCO at RUEL SALDICO)