Paul Pierce

Paul Pierce nagretiro na; huling laro sa Garden madamdamin.

BOSTON (AP) – Naging emosyunal si NBA star Paul Pierce sa kanyang pamamaalam sa Boston Garden.

At sa huling pagkakataon, ipinamalas niya sa Celtics fans ang tikas sa outside shooting – nagpabantog sa kanya sa nakalipas na 18 season sa NBA – nang maibuslo ang three-pointer para sa final basket sa 107-102 panalo ng dating koponan kontra sa Los Angeles Clippers nitong Linggo (Lunes sa Manila).

‘Pasko para sa lahat’ PDLs, may Christmas wishlist ngayong Pasko!

Naganap ang NBA debut ni Pierce sa Garden at naging pambato ng Celtics sa loob ng 15 season. Tinanghal siyang 2008 NBA Finals Most Valuable Player nang pangunahan ang Boston sa kampeonato.

Dinampian ng halik ng 10-time NBA All-Star ang sahig ng Boston Garden bago ang jump ball bilang pagbibigay respeto sa hard court na naging tahanan niya sa mahabang panahon.

Ito ang kauna-unahang laro ng 39-anyos na nawala sa starting rotation mula nitong Disyembre. Nauna nang ipinahayag ni Pierce ang pagreretiro sa pagtatapos ng season.

Hindi napigilan ni Pierce ang mapaluha sa mainit na pagtanggap sa kanya ng crowd na nagbigay ng standing ovation at walang humpay sa hiyawan ng "We Want Paul" at "Thank You Paul" matapos ipalabas ang highlight video ng kanyang kabayanihan sa Garden.

Bilang pagpapahalaga sa crowd, ibinalik ni Clippers coach Doc Rivers si Pierce mula sa bench may 20 segundo ang nalalabi at pinagkalooban niya ang crowd ng karagdagang kasiyahan nang maisalpak ang three-pointer at panatilihin ang marka na hindi siya nabokya sa bawat laro sa Garden.

"I'm thankful he gave me that opportunity and that I got out here and made a bucket," pahayag ni Pierce.

"Truly great to play for the best fans in the world for 15 years and they showed it tonight. They just showered me with love."

Matikas ang career ni Pierce sa Boston, ikalawa sa Celtics all-time scoring list, tangan ang averaged 20.0 puntos, 5.7 rebound, 3.6 assist at 1.3 steal. Naglaro rin siya sa Brooklyn, at Washington bago napunta sa LA. Ngunit, sa 18 taon sa liga, tunay na ispesyal sa kanya ang Boston.

"I've been enjoying every moment of it," sambit ni Pierce.

"Great fans. They have enjoyed everything I have been able to do. It's great to come in here one last time and get all this attention."