MALAKAS ang tilian ng fans kina Paulo Avelino at Maja Salvador sa mall show nila sa Cebu City nitong Sabado para promo ng kanilang pelikulang I’m Drunk, I Love You na mapapanood na sa Pebrero 15 nationwide.
Malakas na ang following ng loveteam nina Paulo at Maja dahil nagkasama na sila sa teleseryeng Bridges of Love at boto ang mga ito noon pa man na maging ‘sila’.
Maging sa presscon ng I’m Drunk, I Love You ay push nang push din ang entertainment press kina Paulo at Maja. Bakit daw hindi na lang ‘sila’ tutal pareho naman silang loveless.
Hindi itinanggi ng aktor na crush niya ang dalaga, na tila hindi naman naniniwala dahil ang parating sagot sa amin nang makatsikahan namin siya pagkatapos ng Q and A, “Naku, maniwala kayo, mema (me masabi) lang ‘yan.”
Pero bakit nga ba hindi na lang sila?
“Isa ka pa, eh, isasama na kita sa Pau-Majs fans,” natawang sabi sa amin. “May fans kami na umaasa, na gustong maging kami ni Paulo. Pero siyempre, hindi lang naman doon magbabase ang lahat. Parang wala pa talaga sa tamang oras, tamang panahon para pumasok sa isang relasyon.
“Parang ang pangit naman na ita-try namin ni Paulo na maging kami dahil lang sa fans namin na gustung-gustong maging kami sa totoong buhay. Siyempre, importante ang love. Dapat maramdaman mo muna ‘yon bago ka talaga pumasok sa relasyon,” pahayag ng dalaga.
Baka nga naghihintay lang ng tamang panahon si Paulo kaya hindi pa nagtatapat.
“Ewan natin,” sambit ng dalaga.
Hindi itinanggi ni Maja na may showbiz at may non-showbiz guys siyang nakaka-date ngayon.
“Hindi ko masabing dating, eh or I’m seeing someone else. Hindi ko malagyan ng label, siguro dating, puwede,” kuwento niya.
Kaya pala may tsikang may non-showbiz boyfriend siya kasi may nakakita, pero kaagad naman nitong itinanggi.
“Hindi pa, ano ba, mawalan man ako ng career ngayon, hindi pa at wala akong boyfriend. Hindi ako magna-knock on wood,” mabilis niyang sabi.
Ay, grabe, ipinusta ang career....
“Eh, kasi wala talaga akong boyfriend ngayon. Dami na rin kasing nangyari sa akin, so by choice, hindi muna saka may trabaho ako, so iyon muna.
“Kailangan ko lang mag-ingat muna, mag-dahan-dahan muna, hindi ‘yung ‘pag na-in love ka ay todo na. Ganu’n naman, di ba, ‘pag na-hurt ka kailangan mong (mag-isip muna) kasi kailangan mo itong paghandaan muna para sa susunod na ‘the one’ mo.
“Hindi na ako ‘yung dati na nae-excite kaagad, nandoon na ako sa realidad na para maging realistic lang kung ano ‘yung puwedeng mangyari.
“’Yung past relationship ko, ang dami ko rin namang natutunan. Ngayon, since I’m 28 na, hindi na ako basta-basta papasok sa isang relasyon, kung sino man ‘yung susunod o sinuman ‘yung guy na ‘yun, makitaan ko siya na puwede siyang maging ‘the one’.”
Samantala, bumalik na sa dati ang pagkakaibigan nina Maja at Kim. Nagkukumustahan na sila ng kani-kaniyang love life na ikinatawa niya.
Kaya ang sumunod na tanong, napag-uusapan ba nila ang ex-boyfriend nilang si Gerald Anderson na binalikan si Bea Alonzo?
“Nasagot ko na ‘yan, sabi ko huwag na akong umarte kasi nauna naman ang Bea-Gerald,” maagap na sagot.
At updated siya sa ex-boyfriend at sa status nito kay Bea.
“And from what I know, they’re still dating, wala pa silang sinasabing nagkabalikan na sila, pero sabi ko, if Bea is happy, magiging masaya ako kasi kaibigan ko siya at mahirap man intindihin, pero magkaibigan talaga kami ni Bea.”
Inamin niya na wala siyang record na bumabalik sa dating nakarelasyon.
“Once I’m done, I’m done. Parang ayoko na, pero hindi natin alam, pero as of now, nandoon ako sa ayoko na. Kasi alam n’yo naman ‘yung napagdaanan ko, so gusto ko pa bang balikan iyon, ready ba ako na ulitin? Kaya hangga’t maaari huwag na lang,” esplika ng I’m Drunk, I Love You lead star.
Samantala, sa presscon nina Maja at Paulo sa Cebu ay humingi sila ng suporta para sa I’m Drunk, I Love You.
“Alam naman po natin na ilang beses n’yo nang nabibigyan ng chance ‘yung mga iba (directors) at alam nating magagaling, sana this time, bigyan n’yo ng chance si Direk JP (Habac), ‘yung galing niyang gumawa at makita n’yo ‘yung passion niyang gumawa ng pelikula.”
Si Direk JP ay naging direktor ng mga pelikulang Mga Eroplanong Papel sa Tag-Araw ng Paglimot (2013), Oktupus (2016) at assistant direktor ng Nuwebe (2013) Tandem (2016), The Sister (2016 at marami pang iba na nanalo ng awards.
Kasama nina Paulo at Maja sa I’m Drunk, I Love You sina Jasmine Curtis Smith, Dominic Roque at Irma Adlawan produced ng Tuko Film Productions, Buchi Boy Entertainment at Artikulo Uno Productions. (REGGEE BONOAN)