medina copy

Medina, kampeon sa US Open table netfest; Tokyo Olympics, asam.

IKINATUWA ni Rio Paralympic Games table tennis bronze medalist Josephine Medina ang pantay na pagkalinga na ibinigay ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kanyang tagumpay sa makasaysayang silver medal ni weightlifter Hidilyn Diaz sa Rio Olympics.

Hindi man kasinlaki ang insentibong natanggap kumpara kay Diaz batay sa kasalukuyan ‘Athletes Incentives Act’, walang pagsidlan ang kasiyahan ni Medina sa suporta ng pamahalaan para mapaunlad ang sports, gayundin ang mabigyan ng pagkakataon ang mga tulad niyang atleta na may kapansanan na mapaunlad ang kanilang talento at maging inspirasyon sa kapwa.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

“Yun naman talaga ang dasal ng mga tulad kong atleta. Hindi man kami tulad ng mga regular na atleta, may kakayahan naman kami para itaas ang antas ng aming pamumuhay, Kaya masaya kami at unti-unti kinikilala na ang sports sa Para Games, hopefully mas mabigyan pa kami ng exposure at mas maraming pagkakataon na makasali sa international tournament,” pahayag ni Medina.

Tunay na walang tigil ang pagsabak sa torneo ang Para athletes, higit si Medina na muling kinilala sa international sports scene nang pagwagihan ang women’s single Class 8-10 sa United States Para Open Championship nitong Disyembre sa Las Vegas.

“Medyo matagal nang natapos ang tournament, hindi lang kami nabigyan ng exposure sa media. Pero okey lang ang importante naman po patuloy ang suporta sa amin para makapag-compete kami,” sambit ng polio victim na si Medina.

Sa naturang torneo, ginapi ng 40-anyos na si Medina ang matitikas at world rated player tulad nina Suzan Klopm ng Neatherlands, American Lawanna Viers at reigning European champion Aida Dahlen, nakaharap niya sa finals.

Naipatikim ni Medina ang tanging kabiguan sa torneo sa No.3 seed na si Dahlen, sa impresibong 12-10, 16-14, 11-5, para makopo ang gintong medalya sa prestihiyosong torneo.

“Kumpiyansa naman ako, pero hindi ko expected na mapapalaban ako sa championship at mananalo. Blessing po talaga,” sambit ni Medina.

Kamakailan, tinanggap din ni Medina kasama si Diaz ang ASEAN medal of honor mula sa Department of Foreign Affairs-ASEAN Affairs Office. Ang parangal ay ipinagkakaloob sa mga atleta mula sa ASEAN region na nagtagumpay sa Olympics at Paralymic Games.

Sa ngayon, sinabi ni Medina na nakikipag-ugnayan siya sa PSC Commissioner Arnold Agustin, nangangasiwa sa Para Games program, para mabigyan siya ng personal coach na tututok sa kanyang pagsasanay para paghandaan ang Olympic qualifying tournament para makalaro sa 2020 Tokyo Para Games.

“We need also to join different Olympic qualifying tournament to gain points and qualify for the 2020 Para Games. Sa SEAG Para Games, ito ang simula tapos meron ding tournament sa Asian level na puwedeng salihan para mag-qualify,’ sambit ni Medina.

Sa huli, hiling ni Medina sa sambayanan ang patuloy na pagsuporta sa mga tulad niyang atleta at hinimok ang mga pamilya na may kaanak na naging biktima ng polio at iba pang kapansanan na itulak sila sa sports para madagdagan ang kanilang kumpiyansa sa pamumuhay. (Edwin G. Rollon)