Six-game losing streak natuldukan ng Cavaliers; Rockets at Heat, wagi; Spurs, nadale ng Pelicans.

CLEVELAND (AP) — Matapos ang isang linggong kabiguan, pagkayamot at hidwaan sa kampo ng Cleveland, napigilan ang tuluyang pagkaguho ng pundasyon ng defending champion nang maungusan ang Brooklyn Nets, 124-116, nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Ratsada si LeBron James, tahasang ipinahayag ang pagkadismaya sa tila mabagal na aksiyon ng management para mas mapalakas ang koponan na nagresulta sa kanilang ikaanim na kabiguan sa walong laro, sa naiskor na 31 puntos, habang kumubra si Kyrie Irving ng 28 puntos.

Laban sa pinakamahinang koponan sa kasalukuyan, nagawang madomina ng Cavaliers ang laro at umabante sa 86-62 sa third period tungo sa panalo.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nag-ambag si Kevin Love, napili sa All-Star reserved, ng 13 puntos at 14 rebound.

Nanguna si Sean Kilpatrick sa Brooklyn sa naiskor na 18 puntos, habang tumipa si Bojan Bogdanovic ng 17 para sa ikaapat na sunod na kabiguan at ika-15 sa huling 16 na laro ng Nets.

ROCKETS 123, SIXERS 118

Sa Philadelphia, hataw si James Harden sa naisalansan na 51 puntos, 13 rebound at 13 assist – ika-15 triple double ngayong season – sa panalo ng Houston Rockets sa Sixers.

Ito ang ika-18 pagkakataon ngayong season na nakagawa si Harden ng mahigit 30 puntos at 10 assist. Naitala niya ang 16 for 28 sa field, kabilang ang 6 for 11 sa 3-point range, at 13 of 14 sa free throw.

Nanguna si Joel Embiid sa Sixers sa nakubrang 32 puntos at pitong rebound.

HEAT 100, BULLS 88

Sa Chicago, ginapi ng Miami Heat, sa pangunguna ni Goran Dragic na kumana ng 26 puntos at 11 assis, ang Bulls.

Nag-ambag sina Willie Reed ng 20 puntos at Dion Waiters na may 19 puntos para sa ikaanim na sunod na panalo ng Miami.

Nalimitahan si Dwyane Wade sa 15 puntos para pangunahan ang Bulls, nagsagawa ng agarang pagpupulong bago ang laro para maresolba ang kontrobersya na bumalot sa koponan matapos birahin ni Jimmy Butler ang’commitment’ ng bawat isa sa laro. Naki-ayon si Wade kay Butler at sinagot naman ni Rajon Rondo sa Intagram ang mga paratang ng dalawa.

Pawang pinagmulta ng koponan ang tatlo at inalis sa starting line-up sina Wade at Butler bilang kaparusahan.

PELICANS 119, SPURS 103

Sa New Orleans, kumana sina Jrue Holiday ng 23 puntos at Anthony Davis na may 16 puntos at career high 22 rebound sa panalo ng Pelicans kontra San Antonio Spurs.

Naputol ang winning streak ng Spurs sa limang laro, habang nanatiling nasa injured list sina star player Kawhi Leonard at Tony Parke.

Nag-ambag sina Terrence Jones at Solomon Hill ng 21 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa New Orleans.

CELTICS 128, MAGIC 98

Sa Boston, dinomina ng Celtics, sa pangunguna ni All-Star reserved Isaiah Thomas na may 21 puntos at walong assist, ang Orlando Magic.

Tumipa si rookie Jaylen Brown ng career-high 20 puntos, habang nag-ambag sina Jae Crowder ng 19 puntos at Kelly Olynyk na may 16 puntos.

Nanguna sa Magic sina Nikola Vucevic at Damjan Rudez na may tig-14 puntos.

KNICKS 110, HORNETS 107

Sa New York, naisalba ni Carmelo Anthony ang pambo-boo ng home crowd sa natipang 18 puntos, habang humakot ng 16 puntos si Courtney Lee sa panalo ng Knicks kontra Charlotte Hornets.

Tumapos si Anthony sa 8 for 26 sa field at nakagawa lamang ng isang basket sa fourth, ngunit krusyal ang puntos na nagbigay ng bentahe sa Knicks may 13 segundo ang nalalabi.

Hataw si Kemba Walker, ngunit nabalewala ang naiskor na 31 puntos at 10 rebound sa Charlotte.

PACERS 115, KINGS 111, OT

Sa Indianapolis, nakabangon ang Pacers sa 16 puntos na paghahabol para magapi ang Sacramento Kings sa overtime.

Nanguna si Paul George sa naiskor na 33 puntos, kabilang ang 12 sa 16 puntos ng Indiana sa extra period, habang humirit si Jeff Teague ng 17 puntos, walong rebound at walong assist.

Nagsalansan si DeMarcus Cousins ng 26 puntos at 16 rebound para sa Kings, at kumana si Darren Collison ng 26 puntos.

TRAIL BLAZERS 112, GRIZZLIES 109

Sa Portland, naitala ni Damian Lillard ang 33 puntos, kabilang ang 13 sunod sa fourth quarter para sandigan ang Trail Blazers kontra Memphis.

Nag-ambag si Allen Crabbe ng 23 puntos para sa ikatlong sunod na panalo, unang pagkakataon sa Blazers mula noong Disyembre. Nanguna si Marc Gasol, kumana ng career-high 42 puntos laban sa Toronto nitong Miyerkules, sa natipang 32 puntos para sa Grizzlies. Nag-ambag si Zach Randolph ng 17 puntos at 13 rebound.

RAPTORS 102, BUCKS 86

Sa Toronto, pinabagsak ng Raptors, sa pangunguna ni Kyle Lowry na may 32 puntos, ang Milwaukee Bucks.

Humarbat naman si Norman Powell ng 19 puntos para tuldukan ang dive-game losing skid ng Toronto.

Nagawang manalo ng Raptors sa kabila ng pagkawala ni starting guard at All-Star DeMar DeRozan.

Nanguna sa Bucks si Jabari Parker na may 21 puntos at 13 rebound.

WIZARDS 112, HAWKS 86

Sa Atlanta, dinaig ng Washingtong Wizards sa homecourt ang Hawks.

Nanguna si Otto Porter Jr. na may 21 puntos at 11 rebound, habang tumipa si John Wall ng 19 puntos para sa ikatlong sunod na panalo ng Washington.

Kumana ng 15 puntos si Kent Bazemore para sa Hawks.