Nauwi sa trahedya ang pag-aaway ng maglive-in partner makaraang barilin at patayin ni mister, sinasabing may problema sa pag-iisip, ang kanyang misis habang napatay ng mga pulis ang suspek sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot sina Walid Marohomsar y Pangali, 29; at Leonora Repuelo y Barbecho, 45, kapwa nakatira sa Block 13, Lot 12 Duhat Street, Barangay 145, Zone 16, Pasay City.

Sa ulat na natanggap ng Southern Police District-Public Information Office (SPD-PIO), dakong 1:10 ng madaling araw nangyari ang insidente sa inuupahang bahay ng mag-asawa.

Ayon sa kanilang mga kapitbahay, pasado 11:00 ng gabi ay narinig nilang nagtatalo ang suspek at ang biktima na sinundan ng tatlong putok ng baril.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Makalipas ang ilang sandali ay nakita na lamang umano ng mga residente ang duguang bangkay ni Repuelo habang armado ng kalibre .38 revolver si Marohomsar at nag-aamok.

Dahil dito, agad umanong humingi ng tulong ang mga residente sa pulisya at sa barangay.

Mabilis na rumesponde ang mga tanod, mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-Baclaran at Special Reaction Unit (SRU) ng Pasay City Police at hinikayat si Marohomsar na sumuko.

Ngunit sa halip na sumurender, mas nagwala ang suspek at direktang pinaputukan ang mga pulis.

Dito na nagdesisyon ang awtoridad na paputukan si Marohomsar at maya-maya pa’y tumimbuwang na ito.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (BELLA GAMOTEA)