PSC, nanindigan sa ‘quality not quantity’ RP delegation sa SEAG.
WALANG makapagbabago sa paninindigan ng Philippine Sports Commission (PSC) hingil sa komposisyon ng National delegation sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur kundi ang marka ng atleta Pinoy.
Nanindigan si PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa naunang pahayag na tanging mga atleta na may kakayahang manalo ang isasama sa delegasyon na magtatangkang magpabago sa katayuan ng bansa sa SEAG medal standings.
Sa nakalipas na limang edisyon ng biennial meet, hindi nakaalis sa ika-anim na puwesto ang Pilipinas.
“Quality not quantity. Hindi indication na magover-all champion tayo kung magpadala tayo ng malaking delegasyon. We need to focus on talent, records and achievement,” pahayag ni Ramirez.
Iginiit din ni Ramirez na maghigpit sa mga opisyal na nagnanais sumabit sa delegasyon.
‘Kung gustong sumama ng opisyal, sumasa sila, pero sariling gastos nila. Pero kung ipapasan nila sa PSC, tsupi sila,” ayon kay Ramirez
“Kung deserving ang athletes, isama natin. Kung hindi naman at gusto lang i-train, alisin natin at bigyan ng pagkakataon yung talagang may potensyal at pinanghahawakang record,” aniya.
Naipahayag ni RP Team Chef de Mission Cynthia Carrion ng gymnastics ang pagnanais na mabigyan ng pagkakataon ang mga junior players na makasama sa SEA Games para maidagdag sa kanilang karanasan.
‘We will talk with chairman Ramirez and try to convince him to include our junior players in the team,” sambit ni Carrion sa kanyang pagbisita sa PSA Forum.
“Realistically 400 athletes and try to bring people who can really suggest to bring the best,” aniya.
Sa Singapore edition noong 2015, Isinabak ng bansa ang 472 atleta, kasama ang 136 opisyal at supporting staff.
Nakapagwagi lamang ang bansa ng 29 ginto, 36 silver at 66 bronze medal para sa ikaanim na puwesto sa kampanyang itinatanging ‘debacle’ ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco.
Iginiit ni Ramirez na hindi ipinagdadamot ng ahensiya ang pondo, ngunit kailangan itong maproteksyunan dahil ang kaban ay pag-aari ng taong-bayan.
“Maraming nagugutom na kabataan at marami rin ang hindi nakakapag-aral. Ang ating mga sundalo, sobra-sobra na ang sakrispisyo tapos tayo sa sports magtatapon lang ng pera, hindi yata tama,” pahayag ni Ramirez.
Hiniling ni Ramirez sa mga sports officials na hanapan ng pondo ang mga atleta at opisyal na nais nilang isama, ngunit hindi sakop sa inilaan na budget ng pamahalaan.
“Wala kaming magagawa kung ilan ang gusto ninyong ipadala, basta kami sa PSC gagastusan lang namin yung atletang kayang manalo. Hanapan ninyo ng sponsor yung iba,” sambit ni Ramirez. (Edwin Rollon)