CHARLOTTE (AP) – Muling nakaiwas ang Golden State Warriors sa bantang back-to-back loss nang malusutan ang Hornets, 113-103, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Tangan ng Hornets ang 73-63 bentahe sa third at nanatiling abante sa 89-85 sa kaagahan ng final period. Naagaw lamang ng Warriors ang bentahe mula sa free throw ni Kevin Durant, 95-94, may limang minuto ang nalalabi.
Tumapos si Durant na may 33 puntos para gabayan ang Warriors sa ika-39 panalo sa 46 laro.
Nag-ambag si Steph Curry ng 28 puntos, tampok ang anim na three-pointer, habang tumipa sina Klay Thompson at Draymond Green ng 19 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod. Hindi pa natatalo ang Warriors – nabigo sa Miami Heat nitong Lunes – sa magkasunod na laro.
KINGS 116, CAVALIERS 112
Sa Cleveland, dismayado ang home crowd nang maisalpak ni Arron Affalo ang triple may 17 segundo sa laro para sandigan ang Sacramento Kings laban sa Cavaliers.
Mula sa timeout, binasag ni Affalo ang 112-tabla mula sa assist ni DeMarcus Cousins tungo sa ikalawang sunod na panalo. May pagkakataon ang Cavs na maipuwersa ang overtime, ngunit nabigo sina Lebron James at Kevin Love at matikman ang ikatlong sunod na kabiguan.
Sa iba pang laro, ginapi ng Philadelphia 76ers ang Milwaukee Bucks, 114-109; hiniya ng Dallas Mavericks ang New York Knicks, 103-95; nilapa ng Memphis Girzzlies ang Toronto Raptors, 101-99; naungusan ng Okalahoma Thunder ang New Orleans Pelicans, 114-105; pinabagsak ng Boston Celtics ang Houston Rockets, 120-109; dinagit ng Atlanta Hawks ang Chicago Bulls, 119-114, at winasak ng Miami Heat ang Brooklyn Nets, 109-106.