Hiniling ni Senator Leila de Lima sa Court of Appeals (CA) na pigilan ang Department of Justice (DoJ) na ipagpatuloy ang paglilitis sa apat na kasong kriminal na isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y illegal drugs trade sa National Bilibid Prison (NBP) noong siya pa ang justice secretary.
Humiling siya ng temporary restraining order (TRO). Ang petisyon ay isinampa noong nakaraang linggo at hindi pa batid kung inaksiyunan na ito ng CA.
Sinabi ni De Lima sa CA na walang jurisdiction ang DoJ sa mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya dahil ang Office of the Ombudsman ang may kapangyarihan sa preliminary investigation sa mga kasong nililitis ng Sandiganbayan.
Sinampahan si De Lima ng indirect bribery, graft at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ng Volunteers Against Crime and Corruption, nina dating National Bureau of Investigation deputy directors Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala, at ng NBP high-profile inmate na si Jaybee Sebastian.
Nagsagawa ng preliminary investigations ang prosecutors ng DoJ at nakatakda nang resoblahin ang mga kaso.
(Rey G. Panaligan)