pagunsan copy

SINGAPORE – Tila hindi pa panahon para magtagumpay si Juvic Pagunsan. Sa isa pang pagkakataon, humalik lamang ang suwerte sa premyadong golfer ng bansa nang kapusin sa minimithing Open Championship sa kanyang career.

Naisalpak ng pambato ng Bacolod ang magkasunod na birdie sa back nine para makasosyo sa liderato sa kababayang si Angelo Que, ngunit sumablay sa kanyang 15-foot birdie putt sa final hole para mabigo ng isang stroke sa Singapore Open nitong Linggo sa Serapong Course ng Sentosa Golf Club.

Nabigo si Pagunsan na maipuwersa ang playoff sa naiskor na 70 para sumegunda sa kampeong si Prayad Marksaeng ng Thailand na tumapos sa 67 para sa kabuuang 275, isang stroke ang bentahe sa Pinoy sa torneo na co-sanctioned ng Japan Tour at Asian Tour.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ito ang ikalawang pagkakataon na natalo sa torneo si Pagunsan ng isang stroke. Kinapos din siya kay Gonzalo Fernandez Castano noong 2011. Sa kabila nito, nakakuha siya ng tiket para sa major tournament na British Open.

Nakakuha rin ng tiket sina Phachara Khongwatmai ng Thailand, Jbe Kruger ng South Africa at Younghan Song ng Korea na nagsosyo sa ikatlong puwesto na may kabuuang iskor na 276.

“I came so close again at the Singapore Open. I missed an opportunity on the 16th hole … I bogeyed 12 and 13. Those were tough holes,” pahayag ni Pagunsan sa Asiantour.com.

May pagkakataon din si Que para sa titulo matapos ang impresibong 69 tampok ang eagle sa final hole sa third round. Ngunit, tumapos siya ng 74.

Nasa two-under ang three-time winner sa Asian Tour matapos ang apat na hole, subalit nagtamo siya ng bogey sa No. 9 at 10 para makabalik sa even-par. Mula rito, hindi na nakabawi si Que para sa 5-under 279 total ay sosyong ika-11 puwesto.

Laglag sa sosyong ika-49 si Miguel Tabuena sa naiskor na 73 (286), habang nasa ika-51 si Tony Lascuna na natipang 73 (287).