Sinabi kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald dela Rosa na personal niyang itatanong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang status sa harap na rin ng mga panawagang magbitiw siya sa puwesto kaugnay ng umano’y pagdukot at pagpatay ng ilan niyang tauhan sa isang negosyanteng Korean na pinaslang sa loob mismo ng Camp Crame sa Quezon City.

“I will ask the President if pabigat ako sa kanya, anyway, he was the one who appointed me,” sinabi ni Dela Rosa nang hingan ng komento tungkol sa mga panawagang mag-resign na lang siya dahil naging kahihiyan lang umano siya ng Presidente.

Pangunahing nananawagan ng pagbibitiw niya sa tungkulin si House Speaker Pantaleon Alvarez, na binatikos si Dela Rosa sa umano’y pagpapakaabala sa mga bagay na walang kinalaman sa pulisya, gaya ng pagdalo sa mga concert, habang walang pakundangang nilalabag ng mga pulis ang batas.

Labis ang pagkadismaya ni Alvarez sa naging testimonya ng dalawang kasama ng itinuturing na pangunahing suspek na si SPO3 Ricky Sta. Isabel na nagsabing sa loob mismong ng Camp Crame, malapit sa tanggapan ng Anti-Illegal Drugs Group (AIDG), pinatay si Jee Ick Joo.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sa isang pahayag, iginiit din ng grupong Stop Corruption ang resignation ni Dela Rosa hindi lamang dahil sa kaso ni Jee kundi dahil din sa pagpaslang kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob ng piitan, na mga pulis din ang suspek.

“The Chief PNP has lost control of his people because he is busy socializing, attending even the concert of Bryan Adams despite the fact that there are so many problems in the PNP,” saad sa pahayag ng Stop Corruption.

“I don’t know why it is being directed at me. We have levels of command but still hindi ko po iniiwasan ‘yan dahil in the end, I am on the top of the PNP (leadership),” sabi ni Dela Rosa. “Whatever happens in the PNP, sagot ko lahat.”

TINAKOT SI DUMLAO?

Kaugnay nito, sinabi ni Dela Rosa na tinakot lang ni Sta. Isabel si Supt. Raphael Dumlao para maisangkot sa krimen.

Aniya, nang makausap niya si Dumlao, na kasalukuyang nakatalaga sa Anti-Illegal Drugs Group (AIDG),ay sinabi nito sa kanyang nagkausap ito at si Sta. Isabel bago pinatay si Jee sa Camp Crame.

“Dumlao is being threatened by Sta. Isabel that he would be dragged into this. Tinatakot niya si Dumlao at ang kasamahan niya na sama-sama na sila,” ani Dela Rosa. “He (Sta. Isabel) said that if they squealed, he told them that he knew where their houses are, and he knew their respective families.”

Una nang sinabi ni Sta. Isabel na si Dumlao ang kanyang boss at maging ang hepe ng AIDG na si Senior Supt. Albert Ignatius Ferro ay nagkumpirmang si Dumlao ang nag-endorso kay Sta. Isabela sa AIDG makaraang tanggihan sa Anti-Kidnapping Group (AKG).

Si Dumlao, isang abogado, ang team leader ng grupong dumukot kay Jee noong Oktubre sa Pampanga.

ISA PA, SUMUKO

Samantala, nakapiit na ngayon si Sta. Isabel sa PNP Custodial Center sa Crame.

Samantala, iniulat din kahapon ng PNP sumuko na sa AKG ang isa pang suspek sa krimen, si Ramon Yalung, kasunod ng paglalabas ng arrest warrant laban dito.

Nasa restricted custody na rin ng AKG si Dumlao. (AARON RECUENCO at FER TABOY)