Untitled-1 copy

Rockets, pumaltos sa Warriors; Sixers nakadale ng winning streak.

HOUSTON (AP) — Nanaig ang Golden State Warriors sa Houston Rockets, 125-108, sa duwelo ng dalawang pinakamatikas na koponan sa Western Conference at patatagin ang bagong winning streak nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Nagsalansan si Kevin Durant ng 32 puntos, kabilang ang walo sa matikas na opensa sa third period para maitarak ang double digit na bentahe tungo sa ikaanim na sunod na panaloo ng Warriors.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Sumabak ang Rockets tangan ang pangunguna sa 3-pointer made (667), ngunit laban sa Warriors nalimitahan sila sa 7-of-35. Nabokya si James Harden sa 0-for-5, habang sablay ang pitong three-pointer ni Eric Gordon, nangunguna sa NBA na may 160 three-pointer made.

Nanguna sa Houston si Clint Capela na may 22 puntos, habang nalimitahan si Harden – nakapagtala ng 13 triple-double ngayong season -- sa 17 puntos at 11 assist.

Hataw si Stephen Curry sa naiskor na 24 puntos tampok ang limang three-pointer.

HORNETS 113, RAPTORS 78

Sa Charlotte, ginapi ng Hornets, sa pangunguna ni Kemba Walker na tumipa ng 22 puntos, ang Toronto Raptors.

Ratsada si Walker, tangan ang averaged 23 puntos at liyamadong makalaro sa All-Stars sa unang pagkakataon, sa 16 puntos sa third period kung saan naungusan ng Charlotte ang Toronto, 33-15 para sa 25 puntos na bentahe.

Nag-ambag si Frank Kaminsky ng 16 puntos at walong rebound para sa Hornets.

Kumamada sina Kyle Lowry ng 24 puntos at DeMar DeRozan na tumipa sa 23 puntos para sa Raptors, nagtamo ng ikalawang sunod na kabiguan.

76ERS 93, TRAIL BLAZERS 92

Sa Philadelphia, nahila ng Sixers ang winning streak sa apat nang pabagsakin ang Portland Trailblazers.

Kumana si Robert Covington ng 22 puntos, kabilang ang dalawang free throw sa huling 40 segundo para sa ikaapat na sunod na panalo ng Philadelphia laban sa Portland.

Nag-ambag sina Ersan Ilyasova na may 24 puntos, habang umiskor si Joel Embiid ng 18 puntos, 10 rebound at limang assist.

Nanguna sa Portland si Damian Lillard sa naiskor na 30 puntos.