TULAD ng inaasahan, si Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang tatanggap ng pinakamataas na parangal ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa gaganaping Annual Awards Night sa Pebrero 26.

Sa pagwawagi ng tubong Zamboanga City, nagningning ang malamyang kampanya ng bansa sa Rio Games nitong Agosto sa Brazil.

Pinagsamang sipag, tiyaga, puso at suwerte ang nagbigay- daan sa panalo ng 25-anyos na weightlifter para makamit ang silver medal sa women’s 53-kg weight division matapos makapagtala ng kabuuang 200 kgs. sa snatch at clean and jerk.

Umaasa lamang noon ang Airwoman First Class na magwagi ng bronze medal, ngunit pumalpak ang liyamadong si Li Yaiun ng China sa huling dalawang pagtatangka.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang tagumpay ni Diaz ang unang panalo ng bansa ng medalya sa Olympics mula nang manalo si boxer Mansueto ‘Onyok’ Velasco ng silver medal noong 1996 Atlanta Games.

Si Hidilyn din ang unang Filipino weightlifterna nakapagmedalya sa quadrennial meet at ikatlong nagwagi ng silver medal kasunod nina Velasco at isa pang dating boxer na si Anthony Villanueva (1964 Tokyo Games). (Marivic Awitan)