Nakalikha ng modus operandi ang mga grupo ng kriminal upang magkamal ng salapi gamit ang kontrobersiyal na kampanya ng pulisya laban sa droga.

Sinabi ni Director Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na marami na silang natatanggap na reklamo tungkol sa mga tumatawag at nagbabanta na mapapabilang ang biktima sa Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP).

Bagamat orihinal na nangangahulugan na pagkatok sa mga bahay ng mga adik at tulak upang pakiusapang sumuko at magbago na, simula noong nakaraang taon ay nagkaroon na ng ibang kahulugan ang Oplan Tokhang—ang pagkamatay sa operasyon ng pulisya o kaya naman ay pagpaslang ng grupong vigilante sa mga sangkot sa droga.

Ayon kay Albayalde, nagpapanggap na pulis ang tumatawag at makikipagnegosasyon para sa halagang kapalit ng hindi pagkakasama sa listahan ng mga nasa Oplan Tokhang.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Hindi naman itinatanggi ni Albayalde ang posibilidad na sangkot ang ilang pulis sa nasabing modus.

Bukod dito, isa pang modus ang pagtawag sa bibiktimahin ng magpapanggap na hired killer at magsasabing may nagpapapatay sa biktima, kaya kailangan nitong magbayad upang hindi matuloy ang pagpatay. (Aaron B. Recuenco)