Stephen Curry,Russell Westbrook

Durant, 2-0 sa dating koponang Oklahoma Thunder.

OAKLAND, California (AP) – Ispesyal na sandali para kay Kevin Durant ang makaharap ang dating koponan na Oklahoma City Thunder. Kaya’t sinisiguro niya na nasa tamang kondisyon at hindi malilimutan ang kanyang performance.

Sa ikalawang pagkakataon na makaharap ang Thunder nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila), nagtala ng season-high 40 puntos ang one-time scoring champion mula sa 13-of-16 field goal, tampok ang 5-of-7 sa three-point, para sandigan ang 121-100 dominasyon ng Warriors sa Thunder.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Kumasa si Durant ng 39 puntos, sa unang pagharap sa koponang naging tahanan niya sa loob ng siyam na season.

Mula sa dikitang laban sa first half, kumasa sina Durant at Klay Thompson ng tig-dalawang three-pointer sa 26-13 run para hilahin ang bentahe ng Warriors sa 89-76 sa kalagitnaan ng third period.

Nagbaba ng 7-0 run ang Warriors, tampok ang isa pang three-pointer ni Thompson para palobuhin ang bentahe sa 22 puntos may siyam na minuto ang nalalabi sa laro.

Humugot din ng 12 rebound, apat na assist, at tatlong block si Durant, nakuha ng Warriors sa free agency market , para gabayan ang Warriors sa pagbuo ng 36-6 marka – nangunguna sa NBA sa kasalukuyan.

Kumabig din si Steph Curry ng 24 puntos at walong assist, habang umiskor si Klay Thompson ng 14 puntos. Naitala naman ni Draymond Green ang 12 puntos, 10 rebound, limang assists at tatlong block.

Nabalewala naman ang ika-21 triple-double – 27 puntos, 15 rebound at 13 assist – ni Russell Westbrook ngayong season nang magtamo ng 10 turnover.

ROCKETS 111, BUCKS 92

Sa Houston, ratsada ang Rockets sa second quarter para maitarak ang malaking panalo laban sa Milwaukee Bucks.

Siniguro ni James Harden na makababawi ang Rockets mula sa sopresang kabiguan sa ibinabang 30-12 at tulungan ang koponan na palamigin ang Miami Heat.

Magsisilbi ring ‘morale boost’ ang panalo sa Rockets na nakatakdang makaharap ang NBA-best team Golden State Warriors sa Biyernes.

Kumubra si Harden ng 38 puntos, at walong rebound, habang tumipa ng 25 puntos si Eric Gordon mula sa bench para sa ika-33 panalo sa 45 na laro.

Nakamit ng Bucks ang ikatlong sunod na kabiguan at ika-21 sa kabuuang 41 laro.

Nanguna si Giannis Antetokounmpo sa Bucks sa naisalansan na 32 puntos at 11 rebound at kumabig si Jabari Parker ng 15 puntos.

KNICKS 117, CELTS 106

Sa Boston, ratsada ang New York Knicks, sa pangunguna ni Derrick Rose sa final period, para mapabagsak ang Celtics.

Abante ang Knicks sa 97-96 may pitong minuto ang nalalabi bago tumipa ng 8-0 run, tampok ang back-to-back basket ni Rose para sa ika-19 panalo sa kabuuang 43 laro ng Knicks.

Tumipa si Rose ng 30 puntos at 10 rebound para makabawi ang Knicks sa mapait na kabiguan sa Toronto at Atlanta.

Nalimitahan si Carmelo Anthony ng 13 puntos mula sa mababang 5-of-14 shooting para putuklin ang three-game winning streak ng Boston.

Nanguna sa Celtics si Isaiah Thomas na may 39 puntos.

HORNETS 107, TrailBlazers 85

Sa Charlotte, tinuldukan ng Hornets ang five-game slide nang pabagskin ang Portland Trail Blazers.

Sinandigan ang panalo ng Charlotte sa matikas na 31-20 run sa second quarter para sa 21-21 karta.

Nanguna si Kemba Walker sa Hornets sa naiskor na 23 puntos, habang nag-ambag sina Nicolas Batum ng 17 puntos at Roy Hibbert na kuman ng 16 puntos.

Bagsak ang Blazers sa 18-26.

Kumawala si Damian Lillard sa naiskor na 21 puntos, ngunit tanging si CJ McCollum lamang ang tanging Blazers na nakapag-ambag ng 18 puntos.

WIZARDS 101, GRIZZLIES 91

Sa Washington, nagpakatatag ang Wizards sa matinding pakikihamok ng Memphis Grizzlies tungo sa impresibong panalo.

Kumasa sina Otto Porter at John Wall para sa Wizards sa natipang tig-25 puntos para sa ikatlong sunod na panalo.

Nakalapit ang Grizzlies sa 95-97 mula sa three-pointer ni Mike Conley papasok sa final two minutes, ngunit nakabawi ang Wizards para sa ika-22 panalo sa 41 laro.

Hataw si Marc Gasol sa Memphis sa naiskor na 28 puntos, habang tumipa si Mike Conley ng 20 puntos.

Sa iba pang laro, nakabangon ang Indiana Pacers mula sa 22 puntos na paghahabol para maagaw ang 106-100 panalo kontra Sacramento Kings; at pinabagsak ng Detroit Pistons ang Atlanta Hawks, 118-95; ginapi ng New Orleans Pelicans ang Orlando Magic, 118-98.