Hindi inaalis ng Makabayan bloc ang posibilidad na legal nilang kukuwestiyunin ang nakatakdang pagtataas ng Social Security System (SSS) premium sa Mayo, lalo na dahil magmimistulang subsidiya ito sa kaaaprubang dagdag na P1,000 sa pensiyon ng mga retiradong miyembro ng ahensiya.
“Hindi tayo natutuwa doon sa sinasabi nila na magdagdag contribution na naman ang mga SSS para pondohan ang dagdag pensiyon,” sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate sa press conference sa Kamara kahapon.
Martes nang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resolusyon na nag-aapruba sa P1,000 across-the-board pension increase para sa mga kuwalipikadong miyembro ng SSS, na inaasahang ipatutupad ngayong Enero.
“Gusto rin naming makita ‘yung fine print ng pinalagdaan ng SSS Board doon kay Presidente,” ani Zarate.
ILEGAL?
Iginiit ng abogadong si Zarate na malinaw na nakasaad sa Section 4 ng Social Security Act of 1997 na ang anumang karagdagan sa benepisyo ng mga SSS pensioner ay hindi dapat na i-subsidized sa pagtataas ng kontribusyon sa ahensiya.
“Puwede nilang sabihin na hindi magkasabay. January increase, May ‘yung contribution hike,” sabi ni Zarate, ngunit idinagdag na may usaping legal na dapat na matugunan. “That is certainly a legal question kaya nais nating makita ‘yung fine print ng board resolution. Aaralin natin dahil talagang malinaw na nakasaad naman sa batas na hindi ganun ‘yung proseso.”
Handa rin umano ang Makabayan bloc na idulog ang usapin sa Korte Suprema “if there is really conflict with the Social Security Act of 1997”, ayon kay Zarate.
Nagpahayag din ng pagkagulat ang mga senador sa desisyon ng SSS na itaas ang premium fees ng mga miyembro nito sa Mayo, kasabay ng hiling na magpaliwanag ang ahensiya.
“They should explain and justify that to the members…backed up by actuarial studies and should also prove that their previous investments and collection efficiency, which is very low, have improved and that the latter two are not enough to support the additional benefit,” sabi ni Senator Francis Escudero, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies.
KONSULTASYON MUNA
Kasabay ng papuri ni Sen. Sonny Angara sa nabanggit na pasya ng SSS kasunod ng dagdag-pensiyon, iginiit naman ni Sen. Bam Aquino na mahalaga rin na naipaalam muna sa mga negosyante at sektor ng manggagawa ang planong pagtataas ng kontribusyon.
“I hope the SSS would also listen during consultations with employers and employee organizations. I was surprised myself to suddenly hear of this plan to raise the premiums when that subject was not even broached before,” ani Aquino.
Inalmahan naman ni Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon ang pagtataas ng SSS premium sinabing bagamat kapuri-puri ang dagdag-pensiyon, “it should not be used to justify an increase in the premium payment.”
“Such action is contrary to the law. The SSS is not allowed to raise the premium rates so it can increase benefits,” paliwanag ni Drilon.
Nagbabala naman si Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate committee on government corporations and enterprises, na dapat ding handa ang mga opisyal ng SSS na humarap sa mga Kongreso sakaling mabigo ang plano ng mga ito.
(ELLSON A. QUISMORIO at HANNAH L. TORREGOZA)