080117_leni-robredo_04-copy

Inilarga ng Malacañang ang forensic investigation sa pamumuno ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa sinasabing sabwatan ng mga tagasuporta ni Vice President Leni Robredo para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, handa ang Yahoo at ang dalawang blogger na makipagtulungan sa imbestigasyon sa tinaguriang “Lenileaks”.

“Nakausap na natin ang dalawang sources ng information na nagsulat nito, maraming nakalagay sa PDF file, dadaan naman ito sa masusing investigation, online forensic investigation,” aniya.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Ang plano ay natuklasan ng dalawang blogger na sina Sass Rogando at Thinking Pinoy mula sa isang diumano’y serye ng mga palitan ng email sa mga sinasabing tagasuporta ni Robredo.

Hinikayat naman ni Andanar si Robredo na magsalita na sa isyu, at payuhan ang kanyang mga tagasuporta na igalang ang anim na taong mandato ng konstitusyon.

“Para matapos na iyong isyu na iyan, sagutin na lang nila kung sila ba iyan o hindi, at patunayan nila kung sila ba iyan o hindi,” sabi ni Andanar sa isang panayam sa radyo.

Sa panayam naman kay Robredo sa Marinduque kahapon, itinanggi niya na may kinalaman siya sa planong sabwatan laban sa Pangulo.

“Sa akin naman, parang nakakagulat na kung sikreto yung pinag-uusapan doon, bakit public yung grupo? Hindi ko alam kung ano yung participation ko, name-mention daw yung pangalan ko, pero hindi ako kabahagi ng grupong iyon,” aniya, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.

Sinabi rin ni Robredo na ang kanyang kampo ay nabibiktima ng mga pekeng balita at hindi na niya ito papansinin.

“Gusto ko sanang mag-concentrate sa trabaho kasi sa tingin ko lang, ang daming viciousness ngayon sa Internet. Meron kaming mandato na kailangang gampanan, na kung magpapadala kami sa kasamaan na nangyayari online, paano namin magagampanan yung aming mandato?,” aniya. (BETH CAMIA at GENALYN D. KABILING)