Patay ang isang obrero at sugatan naman ang kanyang katrabaho makaraang makuryente at malaglag mula sa isang ikalimang palapag ng bahay na kanilang ginagawa sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Tinangka pang isalba ng mga doktor si Gilbert Dizon, ng 484 Sto. Niño Street, Tondo, Maynila ngunit namatay din dahil sa tinamong mga sugat sa ulo at katawan.

Samantala, naka-confine pa rin at under observation si Ronald Soledad, 32, binata at residente ng 51-C Magsaysay St., Tondo, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Joseph Kabigting, ng Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS) ng Manila Police District (MPD), dakong 11:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa bahay na pagmamay-ari ng isang Anna Laguinlin sa 117 Pacheco St., Tondo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nauna rito, tulung-tulong umano ang mga biktima at ilan pa nilang kasamahan na hilahin paakyat ang mga steel pipe, may habang 4X20 talampakan, mula sa ground floor hanggang sa ikalimang palapag ng bahay na magsisilbing bakod sa rooftop ng bahay.

Gayunman, nang makarating na sa ikalimang palapag ay aksidenteng nadikit ang mga bakal sa isang high tension wire kaya nakuryente ang mga biktima at tuluyang nahulog sa ground floor.

Kaagad namang isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit huli na ang lahat para kay Dizon. (Mary Ann Santiago)