BRASILIA (Reuters) – Kinatay ng mga bilanggong miyembro ng pinakamakapangyarihang drug gang sa Brazil ang 31 bilanggo sa isang penitentiary noong Biyernes, pinugutan at dinukot ang puso ng karamihan sa mga ito, bilang ganti sa hiwalay na masaker sa isa pang kulungan na ikinasawi ng 56 nitong linggo.
Ang pagdanak ng dugo sa Monte Cristo prison sa Amazonian state ng Roraima, ay isinagawa ng mga miyembro ng First Capital Command o PCC gang.
Ang PCC ang naging target ng masaker noong Linggo sa katabing Amazonas state sa pinakamadugong prison slaughter sa Brazil sa loob ng mahigit dalawang dekada.
“You killed our brothers, didn’t you? Look here, look what is going to happen you! This is revenge for what you did to our brothers,” maririnig na sinasabi ng isang miyembro ng PCC sa lumabas na video na kuha sa cellphone.
Makikita ang nagkalat ang mga duguang katawan ng mga biktima sa loob ng kulungan.
Sinabi ng mga opisyal ng estado na nakontrrol na nila ang kaguluhan sa pinakamalaking kulungan sa Roraima.
Pinangangambahan na simula pa lamang ito ng mga matitindi pang gantihan ng mga criminal gang sa Brazil na posibleng mahihirapan pigilin ng mga awtoridad.