Idinepensa ng Malacañang ang pagtapyas sa Calamity Fund at paglipat ng pondo nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Magugunitang kinukuwestiyon ni Sen. Panfilo Lacson ang umano’y mahigit P8 bilyong ibinawas sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund o Calamity Fund na idinagdag sa budget ng DPWH, na umaabot na ngayon sa P454.721 bilyon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na nauunawaan naman nila ang alalahanin ni Lacson, dating Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery.
Gayunman, solong responsibilidad aniya ng DPWH ang pagpapaayos at pagpapatayo ng mga permanenteng istruktura sa mga komunidad na sinalanta ng kalamidad. Nilinaw din niya na hindi gawain ni Pangulong Duterte na paboran ang mga kaalyado. (Beth Camia)