UNANG-UNA, nakikiramay ako sa pagyao ni ex-Manila Mayor Mel Lopez nitong Enero 1, 2017 sa edad na 81. Nakasama ko si Mayor Mel ng ilang taon sa pag-inom ng kape kasama ang ilang mamamahayag, tulad nina Manila Bulletin Editor-in-Chief Cris Icban, ex-Balita Editor at NPC president Celo Lagmay, ex-Sports at Malacañang reporter Mike Genovea, habang nagkukuwentuhan tungkol sa pulitika, boxing, pagiging biktima ng Plaza Miranda bombing noong 1970s, 1986 Edsa People Power Revolt kasama sina FVR at JPE. Paalam, Mayor Mel Lopez, paalam. Salamat sa mga kuwentuhan at maraming tasa ng kape!
Nang i-veto ni ex-Pres. Noynoy Aquino ang panukalang P2,000 SSS pension increase para sa mga pensioner, hindi ito nagustuhan ng mga Pilipino, lalo na ng mga senior citizen, na ngayon ay umaasa na lang sa kanilang buwanang pensiyon matapos ang mahabang taon ng pagtatrabaho. Hindi nila ibinoto ang “bata” niyang si Mar Roxas.
Nangako noong kampanya ang kandidato sa pagkapangulo na si Rodrigo Roa Duterte na kapag siya’y nahalal, ipagkakaloob ang nasabing SSS pension increase. Palakpakan ang mga tao, kabilang ang pensioners at kanilang mga kaanak. Nitong si RRD ay ihalal ng 16.6 milyong botante, sinabing itutuloy niya ang pagkakaloob ng naturang pension increase sa 2017.
Palakpakan uli ang mga tao. Gayunman, nitong ilang araw lang ay nagbago na ang kanyang tono. Baka hindi raw ito maipagkaloob ngayong Enero, 2017 dahil nanganganib ang “buhay” ng institusyon at maubusan ng pondo.
Tinatanong ako ng mga kakilalang pensioner kung ang pahayag ni Pres. Rody tungkol sa pagbibigay ng SSS pension increase ay isa na namang “hyperbole” o exaggerated statement. Tugon ko: “Itanong mo kay Secretary of Hyperbole, este Justice Sec. Vitaliano Aguirre III. Siya ang laging nagpapaliwanag na hindi dapat kunin nang literal ang mga pahayag ni PRRD dahil mga hyperbole lang, tulad ng suspensiyon sa privilege of habeas corpus, paghulog sa isang kidnapper mula sa helicopter, paghiwalay sa US, at iba pang nakagugulat na pahayag na kalaunan ay nililinaw ng kanyang cabinet members, gaya nina DFA Sec. Perfecto Yasay, Presidential Chief Legal Assistant Salvador Panelo, Communications Sec. Martin Andanar, Spokesman Ernesto Abella, atbp.
Siyanga pala, ang populasyon pala ng Pilipinas ay aabot na sa halos 106 milyon ngayong Year of the Rooster (2017) dahil sa kakulangan ng contraceptives para hindi magbuntis. Sinabi ng Commission on Population (PopCom) na dahil hindi mapigilan ng gobyerno at ng Simbahan ang “panggigigil” o biological needs ng lalaki at babae (lalo na kung madilim at walang kuryente sa baryo), at bunsod ng TRO na inilabas ng Supreme Court para pigilin ang pamamahagi ng mga contraceptives, tiyak ang paglobo ng populasyon sa 105.7 milyon sa Disyembre 2017.
Nagpasa ang Kongreso ng Reproductive Health Law (RHL), pero hinarang ito ng pro-life groups at ng Simbahan upang pigilan ang pamahalaan sa paggamit ng inilaang pondo sa pagbili ng contraceptives at ipamahagi sa buong bansa, lalo na sa kanayunan at depressed areas, na may walo hanggang 10 anak ang isang mahirap na pamilya.
Dahil sa temporary restraining order ng SC, hindi maipatupad ng gobyerno ang RH Law kaya hindi makabili ng mga contraceptives upang makaiwas sa madalas na pagbubuntis. Ikinakatwiran ng pro-life advocates at ng Simbahan na mahalaga ang buhay at hindi dapat sikilin ang nasa sinapupunan ng ina.
Maraming mamamayan ang nagsasabi na kung gaano kasidhi ang pagkontra ng pro-life groups sa RH Law na inayunan naman ng SC sa pagpigil sa implementasyon, ganito rin dapat sila kasidhi sa pagkontra sa umano’y human rights violations at extrajudicial killings kaugnay ng illegal drug war ni PDu30. Takot ba sila?
Nagtatanong ang mga kakilala ko kung nasaan na raw si Peter Lim, umano’y big-time drug lord sa Cebu na minsan ay binantaan ni Mano Digong na paglabas nito sa NAIA ay “He will die”? Siya rin daw ang Peter Lim na nakausap pa ng pangulo nang harapan sa Malacañang in the South. Ngayon naman daw ay may mga balitang papayagan niyang makabalik sa bansa si Jack Lam, ang Chinese casino mogul, may-ari ng Fontana Resorts and Casino sa Clark Field Pampanga, sa tatlong kondisyon. Hindi ba ipinaaresto niya si Lam na umano’y nagtangkang manuhol ng P100 milyon kay Sec. Aguirre para maging “ninong” niya sa operasyon? Ito rin daw ang nanuhol ng P50 milyon sa dalawang BI commissioner.
Panibagong tanong ng kaibigan ko: “Ito ba ay panibagong hyperbole tungkol kina Lim at Lam? O, isang hyperbola?
(Bert de Guzman)