KALABAW lang daw ang tumatanda at buhay na patotoo sa matandang kawikaan ang long jumper queen na si Marestella Torres-Sunang.
Isinantabi ng 35-anyos na pambato ng San Jose, Negros ang usapin ng pagreretiro nang ipahayag na magbabalik aksiyon siya para pangunahan ang Team Philippines sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Kaya pa naman natin manalo,” sabi ni Torres-Sunang, ang naitalang personal best jump na 6.71 metro noong 2011 Southeast Asian Games sa Palembang, Indonesia ay nananatili pa rin bilang SEA Games record.
Nairehistro ni Torres-Sunang ang pinakamatikas na lundag na 6.72-meter sa Kazakhstan Open noong Hulyo 2016 para magkuwalipika sa Rio Olympics.
“Serbisyo pa rin po tayo para sa bansa,” sabi ni Torres-Sunang na nagwagi ng ginto sa SEAG noong 2005, 2007, 2009 at 2011.
Hindi ito nakapaglaro noong 2013 dahil sa pagdadalang-tao habang nagkasya lamang ito sa tansong medalya noong 2015 Singapore SEA Games na pilit nitong babawiin sa kanyang pagbabalik sa torneo.
““Para sa akin, ang magpapa-retire naman sa atleta ay iyung injury eh,” sabi ni Sunang, na tatlong beses naglaro sa Olympics noong 2008 sa Beijing, 2012 sa London at 2016 sa Rio De Janeiro.
Nakatakda pa itong lumahok sa ilang internasyonal na torneo ngayong taon bilang paghahanda at pagnanais nito na maipagpatuloy ang kanyang pagiging long jump queen.
Sasabak si Sunang sa Asian Athletics Championships sa Hulyo 1-4 sa Ranchi, India bilang preparasyon sa SEAG sa Agosto 19-31 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Inaasahan din na sasabak si Sunang sa inoorganisa naman ng Philippine Athletics Track and Field Association na taunang National Open sa Pebrero 28 hanggang Marso 2 sa Ilagan, Isabela.
“Siyempre kailangan kong panindigan yung posisyon ko sa national team, kaya importante na maganda ang maipakita ko sa National Open,” sabi ni Sunang. “Katawan ko lang siguro ang magsasabi kung kaya ko pa o hindi, pero sa ngayon, maalaga naman ako sa sarili ko at ramdam ko naman na kaya ko pa talaga.” (Angie Oredo)