“Trust me.”

Ito ang mensahe ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa mga Pilipinong nababahala sa kanyang kampanya laban sa droga, na ipinangako niyang masigasig niyang isusulong hanggang sa huling araw ng kanyang termino.

Sa magkahiwalay na panayam ng telebisyon nitong Huwebes ng gabi, inamin ng Pangulo na dahil sa napakawalak na problema ng illegal drugs sa bansa ay mistulang imposibleng mapagwagian ang laban ng gobyerno kontra droga.

Gayunman, iginiit ni Duterte na kayang gawin ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay Duterte, may anim na taon siya sa puwesto at sakaling hindi siya mapatalsik o pumanaw bago matapos ang kanyang termino, hindi siya titigil hanggang sa hindi naitataboy sa mga lansangan ang huling tulak ng droga, o napapatay ang huling drug lord sa bansa.

Nang tanungin kung ano ang panganib na maaaring harapin ng publiko sa pagpapatuloy niya ng digmaan kontra droga, sumagot si Duterte: “Trust me.”

Inusisa pa sakaling lumala ang drug war at magresulta sa basta na lamang pagpatay ng mga pulis sa bawat tulak, kahit dumami pa ang mga nasasawi, sinabi ng Pangulo: “You elected me as president. You must have trust in me.”

NALULA

Aminado rin ang Pangulo na posibleng “miscalculated” niya ang lawak ng kalakalan ng droga sa bansa.

Matatandaang ipinangako niya noong nangangampanya pa na tutuldukan niya ang problema ng bansa sa droga sa unang tatlo hanggang anim na buwan ng kanyang gobyerno, ngunit kalaunan ay humiling siya ng extension.

“I was not privy... I was thinking gawain ko lang ang Pilipinas like Davao—peaceful,” aniya. Ngunit, ayon kay Duterte, nang “[he] squeezed it all out”, natuklasan niyang libu-libong personalidad, kabilang na ang mga opisyal ng gobyerno, ang sangkot sa droga.

PAGPATAY? NO!

Nang tanungin kung sa palagay ba niya ay ang pagpatay ang solusyon sa problema, sumagot ng “no” ang Pangulo, ngunit dahil libu-libo ang sangkot, sinabi niyang kailangan niya itong resolbahin sa paraang alam niya.

“You can’t call the heavens to come down on bended knees because of our problem. I am only six months into the presidency (and) this (makapal na listahan ng mga drug personality) is what I got. I will solve the problem the way I know how, the way I solved the problem of Davao,” aniya.

Nanawagan din siya sa mga sangkot sa bentahan ng droga na itigil na ang kanilang mga ilegal na aktibidad kung nais nilang matigil na ang mga pagpatay.

NAG-SORRY

Kasunod nito, humingi naman ng paumanhin si Duterte sa mga pamilya ng libu-libo nang napatay dahil sa inilunsad niyang “giyera”.

“I am sorry that there is something which we cannot agree on. Pati ‘yung iba naman talagang lumaban sa pulis. I’m sorry for that. Wala ako talaga magawa. Trabaho lang po,” sabi ni Duterte.

Aniya, hindi laging mapangangasiwaan niya ang lahat ng operasyon ng pulisya at wala siyang kontrol sa isipan ng mga kriminal.

Iginiit pa ng Pangulo na hindi niya ipinag-utos sa pulisya ang pagpatay sa mga kriminal.

Sa isa panayam ng telebisyon, pinawi rin ni Duterte ang pinangangambahang posibilidad na magdeklara siya ng batas militar.

“Hindi nga, eh, hindi ako sanay d’yan. I am smarter than martial law. Hindi ko kailangan ‘yan,” aniya.

(ELENA L. ABEN)